“Nabudol” umano ang Armed Forces of the Philippines (AFP) nang magamit ang certification ng isang existing military program bilang supporting document sa liquidation ng confidential funds ng Department of Education (DepEd) noong education secretary si Vice President Sara Duterte, ayon sa House prosecution panel.
Inihayag ito nina prosecution spokesman at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre matapos ang testimonya nitong Martes ni Army Col. Manaros M. Boransing II sa Senate Impeachment Court.
Si Boransing, na nagsilbing assistant chief of staff ng Philippine Army’s 1st Infantry “Tabak” Division noong 2023, ay tumestigo tungkol sa certifications para sa AFP’s Youth Leadership Summit at iba pang military-led activities.
Kabilang ang certification sa mga dokumentong isinumite ng DepEd kaugnay ng liquidation ng P112.5 million confidential funds na ginastos noong huling bahagi ng 2023.
“Isa lang pong conclusion ang puwede nating ma-draw from the testimony of Col. Boransing: nabudol po ang AFP,” sabi ni Alonto Adiong.
Ayon sa prosecution spokesman, matagal nang programa ng AFP ang Youth Leadership Summit at wala umanong natanggap na pera ang military mula sa DepEd para rito.
“Walang tinanggap ang AFP na pera o support funding mula sa Department of Education, lalo na kung galing ito sa confidential funds,” sabi niya.
Giit ni Alonto Adiong, ginamit umano ng DepEd ang legitimate AFP program para suportahan ang confidential fund expenses na kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA).
“Ganun po ka-desperado ang Department of Education sa panunungkulan po ni [dating] Secretary Sara Duterte na yung legitimate na operation na matagal nang ginagawa ng AFP ay willing pa rin silang gamitin ito as a front to justify their confidential funds, which was flagged by COA na bawal paggamitan,” sabi niya.
Nilinaw din ni Alonto Adiong na participation o attendance lamang sa activity ang pinatutunayan ng certification at hindi nito ipinapakitang ginamit ang DepEd confidential funds para pondohan ang programa.
“Kasi ito po ay certificate ng attendance at binibigay din po ito sa lahat ng ng agehsiyann lumahok dito,” sabi niya.
Ganito rin ang naging punto ni Acidre.
“Mukahng nabudol ang afp, mukhang nabudol ang taong bayan,” sabi niya.
Ayon kay Acidre, nagbubukas ang testimonya ng mas maraming tanong hindi lamang sa P112.5 million confidential funds ng DepEd kundi maging sa P500 million confidential funds ng Office of the Vice President.
Para sa prosecution, kailangang linawin kung bakit ginamit ang AFP certification bilang supporting document kung walang pondong natanggap ang military mula sa DepEd para sa naturang aktibidad. /Bistado


