Kinontra ng kampo ni dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang posisyon na maituturing na karagdagang ebidensya ang recantations ni Orly Guteza at ilang miyembro ng tinaguriang “Maleta Boys” sa preliminary investigation kaugnay ng umano’y anomalous flood-control projects.
Ayon kay Atty. Ade Fajardo, lawyer at spokesperson ni Romualdez, hindi awtomatikong lumalakas ang kaso dahil lamang may original statements at kalaunang recantations ang mga witnesses.
“Well, we respectfully disagree,” sabi ni Fajardo nitong Martes.
Tinutulan niya ang posisyon ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na ang recantation ay “not an eraser” kundi additional evidence dahil kailangang pagtapatin at suriin ang original statement at bagong bersyon para malaman kung alin ang totoo.
Para kay Fajardo, nagkakaroon ng credibility issue kapag ang witness na unang nagsabing may personal knowledge sa isang alegasyon ay kalaunang binawi ang sentrong bahagi ng kanyang salaysay.
“Mukhang nagsasabi lang ang tanggapan ng Ombudsman ng mga ganoong salita para sabihin na buhay pa ang kaso nito,” sabi niya.
Giit ng abogado, dapat nakasalalay ang kaso sa competent evidence na independently nag-uugnay kay Romualdez sa umano’y wrongdoing, at hindi lamang sa pagturing sa recantations bilang bago o karagdagang ebidensya.
Kabilang sa mga nag-recant si Guteza at ilang dating security aides ni former Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co kaugnay ng naunang accounts tungkol sa umano’y cash deliveries.
Samantala, 25 dating drivers at security aides ni Co ang tumangging may nalalaman o naging bahagi sila ng delivery ng pera kay Romualdez o sa sinumang politician o government official.
“Sa aming estimation, sa aming appreciation ng mga recantation na ’yan, ang aming position ay talagang wala pong kaso na, sobrang hina na,” sabi ni Fajardo.
Paulit-ulit nang itinanggi ni Romualdez na tumanggap siya ng pera o naging bahagi ng anumang unlawful flood-control scheme.
Hinimok ng kanyang kampo ang Ombudsman na suriin ang credibility ng mga witness account batay sa buong record at tukuyin kung may sapat at mapagkakatiwalaang ebidensyang direktang nag-uugnay kay Romualdez sa mga alegasyon. /Bistado


