Umabot sa “acutely unhealthy” ang kalidad ng hangin sa 11 monitoring stations sa Metro Manila nitong Martes habang binabalot ng haze ang kabisera—isang kondisyon na posibleng konektado sa mga sunog sa Kalimantan, Indonesia.
Batay sa 10 a.m. update ng Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB), lahat ng 15 istasyong may fine particulate matter o PM2.5 readings ay nasa “very unhealthy” hanggang “acutely unhealthy” na antas.
Pinakamalala ang naitala sa Don Bosco station sa Parañaque, na umabot sa Air Quality Index (AQI) na 300—isang puntos na lamang bago ang “emergency” range na 301 hanggang 500.
Kasama sa “acutely unhealthy” ang Quezon City-Ateneo na may AQI na 249; Las Piñas, 247; Manila, 238; Malabon at Taguig-TUP, kapwa 236; Valenzuela, 231; Marikina-Parang, 228; Muntinlupa-Filinvest City, 225; San Juan, 221; at Mandaluyong, 217.
Nasa “very unhealthy” level naman ang Pateros na may AQI na 188; Makati, 181; Navotas, 175; at Quezon City-SMPH Commonwealth, 156.
Sa “acutely unhealthy” range na 201 hanggang 300, maaaring maramdaman ng lahat ang epekto ng maruming hangin at dapat higpitan ang outdoor activities. Sa “very unhealthy” level na 151 hanggang 200, maaaring lumala ang kondisyon ng mga taong may sakit sa puso o baga.
Ang PM2.5 ay tumutukoy sa napakapinong pollutant na may sukat na 2.5 micrometers o mas maliit. Dahil sa liit nito, maaari itong makapasok nang malalim sa respiratory system.
Kabaligtaran nito, “fair” ang kalidad ng hangin batay sa hiwalay na PM10 readings sa lahat ng nakalistang monitoring stations. Nasa pagitan ng 58 at 88 ang kanilang AQI. Ang PM10 ay sumusukat sa mas malalaking particulate matter na may diameter na 10 micrometers o mas maliit.
Hindi magkasalungat ang dalawang resulta dahil magkaibang laki ng pollutant ang sinusukat ng PM2.5 at PM10. Ipinakikita ng 10 a.m. data na mas matindi ang problema sa mas pinong particles.
Ayon sa DENR-EMB, posibleng dinala ng umiiral na hangin patungo sa Pilipinas ang usok mula Indonesia.
“The observed haze is possibly associated with smoke and transboundary haze from ongoing fires in Kalimantan, Indonesia, which may have been transported towards the Philippines by prevailing winds,” saad ng ahensya.
Bukod sa National Capital Region (NCR), mahigpit ding mino-monitor ng DENR-EMB ang sitwasyon sa Calabarzon at Mimaropa.
Ayon kay University of the Philippines Institute of Environmental Science and Meteorology atmospheric physicist at meteorology professor Gerry Bagtasa, nakita sa satellite images ang mga aktibong sunog sa western at southern Kalimantan.
Dinala umano ng cross-equatorial winds ang usok mula Southern Hemisphere, patawid sa Java Sea at South China Sea, bago umabot sa Pilipinas. Nakatulong din ang southwest monsoon o habagat sa paghatak nito pahilaga.
Ang kakulangan ng ulan sa dinaanan ng usok ang posibleng dahilan kung bakit nakarating nang mas malayo ang haze. Maaari itong manatili nang ilang araw depende sa direksiyon ng hangin at pag-ulan.
Naobserbahan din ang malabong kondisyon sa Calabarzon at ilang bahagi ng Visayas, habang posibleng umabot ang epekto sa Zamboanga.
Dahil sa mataas na PM2.5 readings, pinayuhan ng DENR-EMB ang publiko na bawasan ang oras sa labas.
“Minimize prolonged outdoor activities, particularly in areas visibly affected by haze,” pakiusap ng ahensya.
Mas kailangang mag-ingat ang mga bata, matatanda at mga taong may respiratory o cardiovascular conditions.
“Persons who are sensitive to air pollution, including children, older persons, and individuals with respiratory or cardiovascular conditions, are advised to limit outdoor exposure and take necessary precautions,” dagdag nito.
Kung hindi maiiwasang lumabas sa lugar na makapal ang haze, inirekomenda ang pagsusuot ng maayos na N95 mask o katumbas nito.
Patuloy na babantayan ng DENR-EMB ang readings habang hinihintay kung maitataboy ng pagbabago ng hangin o mahuhugasan ng ulan ang mga pinong pollutants sa himpapawid. /Bistado


