Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

P3.7-B pondo ibinuhos sa ‘illegal’ Taguig reclamation—Lacson

Umabot na sa hindi bababa sa P3.713 bilyong pondo ng bayan ang nagastos sa mga proyekto ng pamahalaan sa mga bahagi ng Laguna Lake shoreline sa Taguig City na iniimbestigahan dahil sa umano’y ilegal na reclamation, ayon kay Sen. Panfilo Lacson.

Sakop ng halaga ang natapos, kasalukuyang ginagawa at sinuspindeng flood control at multipurpose projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Based on official records and our investigation, the total cost of identified completed, ongoing (and suspended) DPWH Flood Control and Multi-Purpose Projects along the ‘illegal’ Laguna Lakeshore Reclamation Areas in Taguig City has so far reached PHP3.713 billion,” saad ni Lacson sa X.

Hindi pa umano kasama rito ang iba pang kuwestiyonableng slope protection at flood mitigation projects sa Taguig River.

Ayon kay Lacson, may mga proyektong umano’y may dobleng appropriation at mga “ghost” project na gumamit ng recycled photographs ng sinasabing natapos na trabaho para sa billing.

Isusumite ng kanyang grupo ang mga natuklasan sa fact-finding team ng Office of the Ombudsman “for proper disposition.”

Sa P3.713 bilyon, P2.372 bilyon ang naiugnay sa mga proyektong kinasangkutan ng limang contractor.

Nanguna ang Dahl Construction na may P858.22 milyon—limang solo project na nagkakahalaga ng P571.5 milyon at apat na joint venture na may kabuuang P286.7 milyon.

Kasunod ang J.C. Uyecio na sangkot sa apat na joint venture na nagkakahalaga ng P483.1 milyon; Toughbuilt na may tatlong proyektong P434.2 milyon; Topnotch na may tatlong joint venture na P329.9 milyon; at GR Fervidal na may limang multipurpose building project na P266.6 milyon.

Sinuspinde ang lahat ng limang proyekto ng GR Fervidal dahil sa “revision of plans” na may kaugnayan sa muling pagsusuri sa lupa.

Nauna nang maglabas ang DPWH ng cease-and-desist orders laban sa mga proyektong konektado sa kuwestiyonableng reclamation activities.

Tiniyak ni Public Works Secretary Vince Dizon kay Lacson na ipatitigil ang mga proyekto kapag natanggap ang kaukulang kahilingan mula sa Philippine Reclamation Authority (PRA). Kinumpirma kalaunan ni Dizon na inilabas na ang mga kautusan kasunod ng direktiba ng Office of the President na idinaan sa PRA.

Samantala, sinabi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na maaaring makinabang ang pamahalaan kung mapatutunayang ilegal ang mga kuwestiyonableng titulo.

Tinukoy niya ang 181,077-square-meter o mahigit 18-ektaryang lupa na ayon kay Lacson ay may titulong nagmula sa homestead patent.

“May isang nasa dyaryo kahapon na [nagsabi na may] 181,000 square meters o 18 hectares daw na ‘illegally titled.’ Sa isang banda po, nagho-hope din kami na totoo iyon. Bakit? Kasi kung totoong illegal iyon, sa gobyerno iyon [mapupunta], eh di may 18 hectares tayo ngayon para sa gobyerno,” ani Cayetano.

Iginiit din niyang matagal nang nais ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na masuri ang mga titulo sa lugar.

“Katulad ngayon na gusto nilang tingnan lahat ng titulo, matagal na pong gusto ni Lani iyon,” dagdag niya. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles