Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

P14.8-B New Clark water project, inabante ng Maynilad-K-Water consortium

Umabante sa susunod na yugto ang planong P14.8-bilyong water supply at wastewater management project sa New Clark City matapos bigyan ng original proponent status ang consortium na pinangungunahan ng Maynilad Water Services Inc. at Korea Water Resources Corp. (K-Water).

Inaprubahan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) Board ang status ng grupo noong Agosto 28 matapos suriin at makipagnegosasyon sa mga proponent. Ang K-Water ang state-owned water utility ng South Korea.

Layunin ng proyekto na tugunan ang lumalaking pangangailangan sa tubig at wastewater services habang dumarami ang residential, commercial, institutional at industrial developments sa New Clark City.

Kabilang sa panukala ang pagbibigay ng maaasahang water supply at pagtatayo ng wastewater treatment facilities na sumusunod sa environmental standards.

Mahalaga rin ang proyekto sa mga industriyang nangangailangan ng tuloy-tuloy na utility services, kabilang ang advanced manufacturing facilities, data centers at iba pang high-value investments. Para sa mga ito, kasinghalaga ng mga kalsada at suplay ng kuryente ang sapat na water at wastewater infrastructure.

“Growth requires infrastructure that can keep up with it. Water and wastewater are fundamental to that growth, and we want New Clark City to have a system that is reliable, sustainable and built to meet the needs of the metropolis for the long term,” ani BCDA President at Chief Executive Officer Joshua Bingcang.

Isang kwalipikadong entity ang mamamahala sa public utility component ng proyekto.

Gayunman, hindi pa nangangahulugan ng final contract award ang pagkakaloob ng original proponent status.

Kailangan munang makumpleto ng proposal ang mga kinakailangang pag-apruba ng pamahalaan bago ito dumaan sa Swiss challenge. Sa prosesong ito, maaaring magsumite ng mas magandang alok ang ibang kwalipikadong private-sector groups.

Bibigyan naman ang original proponent ng pagkakataong tapatan ang superior offer alinsunod sa mga patakaran para sa unsolicited public-private partnership proposals.

Target ng BCDA na maigawad ang kontrata pagsapit ng Disyembre 2026. Nakadepende ito sa resulta ng competitive challenge, regulatory approvals at iba pang kondisyon.

Inaasahang susuportahan ng proyekto ang pagdami ng mga residente, negosyo, pabrika at technology-intensive industries sa New Clark City, habang iniiwasang maging sagabal sa paglago ang kakulangan sa pangunahing utility services. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles