Hindi maaaring basta magtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa Benguet matapos isailalim ang lalawigan sa state of calamity dahil sa pinagsamang epekto ng mga bagyo at pinalakas na habagat.
Muling ipinaalala ng Department of Trade and Industry-Cordillera Administrative Region (DTI-CAR) sa mga consumer at retailer na awtomatikong umiiral ang price freeze sa ilalim ng Republic Act No. 7581 o Price Act.
Sa ilalim ng Section 6 ng batas, ang “prices of basic necessities in an area declared under a state of calamity shall automatically be frozen at their prevailing prices or placed under automatic price control.”
Sakop ng price freeze ang mga produktong nasa hurisdiksiyon ng DTI gaya ng canned fish at iba pang processed marine products, evaporated, condensed at powdered milk, coffee refill at 3-in-1 coffee, laundry o detergent soap, kandila, tasty at pandesal, iodized salt, instant noodles at bottled water.
“Price freeze at the prevailing price of all basic necessities is automatically in effect for a period of 60 days, effective from the date of the State of Calamity declaration on August 24, 2026, unless sooner lifted by the President,” ayon sa DTI-CAR.
Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Benguet noong Agosto 25 ang Resolution No. 2026-0999, na nagdedeklara sa lalawigan sa ilalim ng state of calamity dahil sa pinsalang iniwan ng mga nagdaang tropical cyclone at enhanced southwest monsoon.
Nagbabala ang DTI-CAR na mahaharap sa mabigat na parusa ang sinumang lalabag sa price freeze.
Maaaring makulong ang violator nang hindi bababa sa isang taon hanggang 10 taon, pagmultahin ng P5,000 hanggang P1 milyon, o patawan ng parehong parusa, depende sa pasya ng korte.
Hinikayat ang mga consumer na agad ireport ang overpricing at iba pang posibleng paglabag sa pinakamalapit na tanggapan ng DTI.
Maaari ring makipag-ugnayan sa CAR@dti.gov.ph o tumawag sa (074) 665-5688. /Bistado


