Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

‘Massive insertions,’ pork nakaamba sa proposed P643.95-B DPWH budget sa 2027 — Tinio

Nagbabala si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na maaaring pasukan ng malalaking congressional insertions ang panukalang P643.95-bilyong budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kapag binuo na ng Kamara ang 2027 General Appropriations Bill (GAB).

Batayan ng kanyang babala ang plano umano ng DPWH na magsumite ng mga institutional amendments—mga pagbabagong maaaring magpasok ng mga proyektong wala sa orihinal na National Expenditure Program (NEP).

“In short, there will be congressional—well, the usual term for that is insertions. And amendments. So expect that there would be big changes in the GAB,” ani Tinio.

Ayon sa mambabatas, bagama’t amendments at hindi “errata” ang tawag ng DPWH, pareho umanong maaaring magresulta ang mga ito sa pagdagdag ng mga proyektong wala sa NEP at paglagay sa For Later Release (FLR).

Hindi awtomatikong nagagamit ang pondong nasa FLR. Kailangan munang magsumite ng supporting requirements at kumuha ng Special Allotment Release Order bago ito mailabas—mekanismong idinisenyo para masuri ang mga proyektong hindi pa ganap na na-evaluate.

Lumitaw ang babala habang mabagal pa ang procurement ng DPWH ngayong 2026. May 17,861 proyekto sa kasalukuyang budget. Ngunit sa procurement report noong Agosto 23 na sumaklaw sa 17,764 proyekto na nagkakahalaga ng P459.89 bilyon, 15,032 proyekto na may halagang P349.48 bilyon pa lang ang nakalista.

Sa bilang na ito, 7,467 proyekto na nagkakahalaga ng P146.41 bilyon pa lamang ang na-award—katumbas ng 32% ng kabuuang halaga.

Iniugnay ni DPWH Secretary Vince Dizon ang pagkaantala sa kabiguang magsagawa ng early procurement, pagbabago ng NEP sa pinal na 2026 budget, mas mahigpit na dokumentasyon matapos ang flood-control controversy at nahuling paglalabas ng ilang Special Allotment Release Order (SARO).

Para kay Tinio, ipinapakita nito ang epekto ng budget insertions sa paghahatid ng mga proyekto.

“My point being, because of this system of errata, insertions, and so on, talagang ang standard na timeline sa pagpapatayo, at least 2 years. Whether malaking proyekto o maliit,” aniya. “Meaning, the pork barrel system is the major bottleneck to economic development and delivery of basic services—e.g., classrooms.”

Batay sa opisyal na 2027 NEP, ang P643.95-bilyong panukala ng DPWH ay mas mataas nang P113.05 bilyon o 21.29% sa P530.90-bilyong budget nito ngayong 2026.

Aabot sa P572.92 bilyon o 89% ng panukala ang mapupunta sa anim na pangunahing programa. Pinakamalaki ang P176.64 bilyon para sa Network Development Program at P157.31 bilyon para sa Convergence and Special Support Program.

Nasa P103.45 bilyon naman ang opisyal na Flood Management Program—P83.85 bilyon para sa locally funded projects at P19.60 bilyon para sa foreign-assisted projects.

Sa regional office allocations, pinakamalaki ang Central Luzon sa P17.42 bilyon, kasunod ang Calabarzon sa P16.09 bilyon at Metro Manila sa P10.35 bilyon.

Iginiit naman ni Dizon na inalis sa panukala ang duplicate at overlapping projects, ibinaba sa 11,395 ang bilang ng mga proyekto mula 17,861 ngayong 2026 at tinanggal ang “leadership fund.”

Hihingan din umano ng program of work, validated geotagged photographs at certificate of implementability ang mga proyekto.

“We will not go back to the old ways,” sabi ni Dizon. “Every project that enters here must have a plan.”

Sinabi ni Tinio na ipagpapatuloy ng Makabayan bloc ang pagsala sa budget, partikular sa pondong nakalaan para sa pagtatayo ng mga silid-aralan. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles