Kinontra ng House prosecution panel nitong Huwebes ang pagkukumpara sa aliases na ginamit ng mga bayaning rebolusyonaryo at sa umano’y aliases ng confidential fund recipients na kinukuwestiyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, magkaiba ang konteksto ng dalawa.
“Very clear po dapat yung distinction nung dalawa,” sabi ni Alonto Adiong.
Sa trial nitong Miyerkules, binuksan ni Senator-Judge Robin Padilla ang usapin sa paggamit ng aliases sa confidential operations at binanggit ang mga bayaning gumamit din ng ibang pangalan.
Pero ayon kay Alonto Adiong, hindi maihahambing ang aliases ng revolutionary figures sa mga pangalang ginagamit sa confidential fund transactions.
“Hindi po pwede natin gamitin yung mga nom de guerre ng mga naging bayani na nagsakripisyo sa ating bansa,” sabi niya.
“Nung oras na may himagsikan sa bansa para sa kasarinlan ng ating bansa,” dagdag niya.
Ikinumpara niya ito sa mga umano’y recipients ng confidential funds na hindi malinaw ang tunay na pagkakakilanlan.
“Dito naman sa mga tao na hindi mo malaman ang identity niya kasi alias, baka tinatago ang identity at tumatanggap ng confidential funds,” sabi ni Alonto Adiong.
Nauna nang kinuwestiyon sa impeachment proceedings ang acknowledgment receipts at mga pangalan na nakaugnay sa liquidation ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP). Tinukoy din sa 2023 confidential funds report ng Commission on Audit (COA) ang kakulangan ng supporting documents, kabilang ang ilang expenses na acknowledgment receipts lamang ang suporta.
“Wala naman po confidential funds na tinatanggap ang Gat Jose Rizal,” sabi ni Alonto Adiong.
“Hindi naman po ata tumanggap ng confidential funds si Gat Bonifacio,” dagdag niya.
Giit niya, audit at accountability ang problema sa OVP aliases.
“Ang problema po dito sa aliases na ginagamit ay nagdudulot po ito ng confusion sa COA,” sabi niya.
“Ito po isang audit error na hindi po masolusyonan ng OVP dahil sila po nag-request at kulang-kulang ang kanilang dokumento,” dagdag niya.
Ganito rin ang punto ni House trial spokesperson at Kabataan Party-list Rep. Renee Co.
“Nung ginamit yung mga aliases na yun ng ating mga bayani, ang at stake ay peril to life,” sabi ni Co.
“Dito naman po sa confidential and intelligence funds, receipt of government money,” dagdag niya. “Hindi pwede silang ipagtumbas,” giit ni Co. /Bistado


