Final na ang desisyon ng Supreme Court (SC) na kanselahin ang certificate of candidacy ni Datu Pax Ali S. Mangudadatu bilang gobernador ng Sultan Kudarat at abandunahin ang tinatawag na “second placer rule.”
Sa En Banc session noong August 26, denied with finality ng SC ang motion for reconsideration ni Mangudadatu at pinagtibay ang naunang ruling nito.
Sa ilalim ng “second placer rule,” maaaring ideklarang winner ang kandidatong nakakuha ng second highest number of votes kapag ang nangunang kandidato ay kalaunang napatunayang disqualified o ineligible.
Pero ayon sa SC, walang batas na nagbibigay ng awtoridad para gamitin ang naturang rule. Binigyang-diin ng Korte na sa ilalim ng Constitution, ang kandidatong nakakuha ng pinakamataas na bilang ng boto ang kinikilalang nahalal.
Kapag ang winning candidate ay kalaunang napatunayang hindi kwalipikadong humawak ng posisyon, sinabi ng SC na nagkakaroon ng permanent vacancy.
Para sa local elective positions na sakop ng Local Government Code (LGC), succession ang dapat pairalin at hindi awtomatikong pagproklama sa second placer.
Dahil dito, ang Vice-Governor ang hahalili bilang Governor at magsisilbi sa natitirang bahagi ng termino.
Nilinaw ng SC na limitado ang ruling sa local elective positions na sakop ng LGC.
Hindi tinalakay sa kaso kung maaaring gamitin ang second placer rule o succession rules sa national elective positions dahil hindi ito kabilang sa mga isyung iniharap sa Korte.
Gayunman, binigyang-diin ng SC na ang succession para sa national elective positions gaya ng President at Vice-President ay eksklusibong pinamamahalaan ng Article VII, Sections 7 at 8 ng Constitution.
Nakasaad dito ang order of succession kapag hindi nakapag-qualify, namatay, permanenteng naging disabled, natanggal sa puwesto, o nagbitiw ang President o Vice-President.
Nilinaw din ng SC na applicable ang ruling sa pending cases dahil walang vested right o entitlement ang second placer na ideklarang winner.
“The second placer lost in the elections. He or she was not the choice of the people,” ayon sa SC. /Bistado


