Nag-activate na ang 33 Department of Health (DOH) hospitals ng fast lane para mabilis na maasikaso ang mga pasyenteng may leptospirosis kasunod ng pagdami ng mga kaso matapos ang mga pagbaha dulot ng Habagat.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, matatagpuan ang mga ospital sa Metro Manila at apat na rehiyon sa Luzon.
“Ayon sa DOH, sa kasalukuyan, 33 DOH hospitals sa Metro Manila, Region I (Ilocos Region), II (Cagayan Valley), III (Central Luzon) at CAR (Cordillera Administrative Region) ang may activated na leptospirosis fast lane o express lane para sa agarang pagtugon sa mga pasyenteng nangangailangang magpaospital,” ani Castro.
Nagpapatupad din ang DOH ng surge capacity management measures para matiyak na may sapat na hospital beds at gamot para sa mga kailangang ma-admit.
Ginawa ng Palasyo ang pahayag kasunod ng mga ulat ng pagdami ng leptospirosis patients sa San Lazaro Hospital at iba pang health facilities sa Metro Manila.
Ayon kay Castro, nagpatawag si Health Secretary Edwin Mercado ng command conference kasama ang mga DOH hospitals nitong Martes para palakasin ang koordinasyon at patient referrals sa pagitan ng mga ospital.
Nakikipag-ugnayan din ang DOH Operations Center sa San Lazaro Hospital para mailipat sa ibang Metro Manila hospitals ang ilang pasyente at mabawasan ang siksikan.
Handa rin ang lahat ng DOH hospitals, health centers, at YAKAP clinics na tumanggap ng mga indibidwal na nangangailangan ng medical consultation matapos lumusong sa baha.
Sinabi ni Castro na magbibigay ang Malacañang ng karagdagang update tungkol sa mga ospital na maaaring tumanggap ng leptospirosis patients at iba pang hakbang sakaling patuloy na tumaas ang mga kaso, batay sa resulta ng pagpupulong ng DOH. /Bistado


