Nabigo sina Alexandra Eala ng Pilipinas at Felix Auger-Aliassime ng Canada na umusad sa 2026 US Open mixed doubles matapos talunin ng mag-asawang Elina Svitolina ng Ukraine at Gael Monfils ng France, 4-1, 4-1, sa kanilang first-round match nitong Martes ng gabi (oras sa Pilipinas) sa Queens, New York.
Sa binagong format, na gumagamit ng first-to-four-game sets, no-ad scoring at 10-point match tiebreak kapalit ng third set, 15 minuto lamang ang kinailangan nina Monfils at Svitolina upang makuha ang unang set.
Naprotektahan ang serve nina Auger-Aliassime at Eala upang makuha ang unang game, ngunit agad namang nakabawi ang mag-asawa. Nagwagi sila ng tatlong sunod na games upang tuluyang masungkit ang unang set, 4-1.
Ito ang unang competitive doubles match na magkasama ang mag-asawa, ngunit agad nilang ipinakita ang kanilang chemistry sa court. Nagpatuloy sila sa kanilang five-game winning streak matapos umabante, 1-0, sa second set.
Gayunman, hindi basta sumuko sina Eala at Auger-Aliassime. Sa tulong ng malalakas na sigaw ng kababayan na dumagsa upang suportahan ang Filipina world No. 18, napilit ang kanilang mga kalaban na magkamali sa kanilang groundstrokes upang makatabla.
Ngunit sa huling US Open ni Monfils bago siya magretiro sa pagtatapos ng season, determinado ang Pranses na patuloy na pasayahin ang mga manonood.
Nakakuha pa ng dalawang sunod na games sina Monfils at Svitolina bago tuluyang selyuhan ang panalo nang maipalo ni Auger-Aliassime ang kanyang backhand sa net.
Gayunpaman, nadama ang “Eala Effect” sa Flushing Meadows nang punuin ng mga fans ang Louis Armstrong Stadium sa Billie Jean King National Tennis Center.
Sa isa pang laro, ginulat ng mga qualifier na sina Katerina Siniakova at Henry Patten ang No. 1 seeds na sina Aryna Sabalenka at Novak Djokovic, 1-4, 4-2, 10-2.
Ngunit pagdating ng quarterfinals sa Arthur Ashe Stadium matapos ang ilang oras, sinibak din nina Svitolina at Monfils ang tambalang Siniakova-Patten, 5-4(6), 4-5(3), 10-8.
Samantala, muling naglaan ang United States Tennis Association (USTA) ng pinakamalaking player compensation package sa kasaysayan ng professional tennis, na aabot sa USD108 million para sa 2026 US Open.
Kumakatawan ito sa 20% na pagtaas mula sa dating record na USD90 million na itinakda noong 2025 US Open.
Ito na rin ang ikalawang sunod na taon na nagkaroon ng 20% na pagtaas, habang umabot naman sa 44% ang kabuuang pagtaas sa player compensation sa loob ng dalawang taon.
Makikinabang ang mga manlalaro sa buong torneo sa malalaking dagdag, kabilang ang pinakamalaking Grand Slam payment sa kasaysayan para sa main draw singles champions na aabot sa USD5.5 million habang ang first-round singles payout ay magiging USD140,000.
Kasama rin sa compensation package ang bagong Player Support Program, na may paunang commitment na USD2 million sa 2026. Pantay itong hahatiin sa mga manlalarong lalaki at babae.
Ayon sa USTA, ipinapakita ng mga makasaysayan, record-setting at groundbreaking na hakbang na ito ang patuloy at malalim na commitment ng organisasyon at ng US Open na suportahan ang lahat ng manlalaro.
“This is a significant first step in a multi-year investment in athletes as the US Open continues to be the best economic opportunity for players and the most valuable platform in tennis for players, fans and partners. We are proud to deliver record-setting prize money and expanded player benefits as well as providing a new platform to work together with players,” ani USTA CEO Craig Tiley.


