Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

‘Nilaro, pinera’: Ridon pinapasilip sa Ombudsman ang paggamit sa OVP confidential funds

Hinimok ni House Prosecutor at Bicol Saro Rep. Terry Ridon nitong Martes ang Office of the Ombudsman na silipin kung may naganap na malversation sa paggamit ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte, kasunod ng testimonya tungkol sa magkakaparehong halaga sa accomplishment reports ng Office of the Vice President (OVP).

Sa Day 18 ng impeachment trial, kinuwestiyon ng prosecutors si OVP Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio tungkol sa mga ulat na paulit-ulit na eksaktong P125 million ang total kahit magkakaiba ang periods, areas, at line items.

Partikular na tinutukan ni Ridon ang P16 million na nakalista para sa rental at maintenance ng safe house sa magkakaibang quarters.

“Kasi yung pera pinag-uusapan, ₱16 million every quarter,” sabi ni Ridon.

“Alam po ninyo yung pinag-uusapan na presyo ng safe houses po na ito—pag-upa ng bahay mula sa mga pinaka-exclusive na subdivision sa Pilipinas, katulad ng Forbes Park at Dasmariñas Village,” dagdag niya.

“Yung pinakamahal na mga condominium sa loob ng Bonifacio Global City at ng Makati. So yun po yung level ng safe houses price na pinag-uusapan po natin dito,” sabi niya.

Ayon kay Ridon, duda siyang ganitong halaga rin ang ginagastos ng security agencies na may sariling confidential funds.

“I’m quite certain, hindi po ganyan yung ibinibigay, binabayad na safe houses ng mga security sector po natin na may confidential funds,” sabi niya.

Kinumpirma ni Ortonio sa hearing na 11 araw lamang ang sakop ng 2022 accomplishment report, habang mas mahahabang panahon ang sakop ng mga sumunod na reports. Gayunman, nakalista ang tig-P16 million para sa safe house rental at maintenance sa 2022 report, first quarter ng 2023, at second quarter ng 2023.

Para kay Ridon, indikasyon ito ng posibleng manipulation sa mga dokumento.

“To repeat what Mr. Ortonio has been saying, my friends, based on the documents, huli na naman po sila,” sabi ni Ridon. “Nilalaro na naman po nila itong mga dokumento na ito.”

“₱16 million every quarter, different days,” dagdag niya.

“Tanga ka na lang kung maniniwala ka doon sa paliwanag na mag-aabot-abot yung ganoon pong presyo pagka mga araw po yung pinag-uusapan na magkakaiba,” sabi ni Ridon.

“Hahabulin po namin yan hanggang pinakadulo,” dagdag niya.

Nanawagan din si Ridon sa Ombudsman na imbestigahan ang posibleng malversation ng mga humawak at gumamit ng confidential funds.

“Panawagan na rin namin sa Ombudsman na silipin na po nila kung may actual na malversation na na-commit si Ms. Acosta, si Mr. Lachica, at si Vice President Sara Duterte dito sa paggamit po ng confidential funds,” sabi niya.

“Malinaw na talaga, nilaro, pinera itong confidential funds na ito,” dagdag ni Ridon.

Iginiit din niyang hindi lamang kina dating OVP special disbursing officer Gina Acosta at Col. Raymund Dante Lachica dapat tumigil ang usapin.

“Ang pinakadulo, ang may original sin dito sa bagay na ito, hindi si Gina Acosta, hindi si Lachica, si Vice President Sara Duterte,” sabi niya.

“Siya mismo yung nag-utos na ibigay ang ₱125 million mula kay Gina Acosta mapunta kay Mr. Lachica,” dagdag ni Ridon. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles