Sa mixed doubles mag-uumpisa ang kampanya ni Alexandra Eala sa US Open sa New York ngayong Martes ng gabi (oras sa Pilipinas).
Wildcard sina Eala at partner na si Felix Auger-Aliassime ng Canada laban sa mag-asawang Gael Monfils (France) at Elina Svitolina (Ukraine) sa laban na gaganapin sa Louis Armstrong Stadium ng USTA Billie Jean King National Tennis Center.
Ang mananalo ay uusad sa quarterfinals laban sa mananalo kina top seeds Aryna Sabalenka (Belarus) – Novak Djokovic (Serbia) at Leylah Fernandez (Canada) -Frances Tiafoe (USA), na maghaharap sa Arthur Ashe Stadium.
Sa singles na sisimulan sa darating na Linggo, dala ni Eala ang world ranking na No. 18 na pinakamataas na nakamit ng manlalaro mula sa Southeast Asia.
Kasama rin sa top half ng mixed doubles draw ang mga wildcard na sina Serena Williams (USA) at Carlos Alcaraz (Spain).
Makakaharap nina Williams at Alcaraz ang isang qualifier team. Kung mananalo, maghihintay ang magwawagi sa pagitan nina fourth seeds Belinda Bencic (Switzerland) – Flavio Cobolli (Italy) at mga wild card na sina Alexander Zverev (Germany) – Taylor Townsend (USA).
Maaaring magharap sina Williams-Alcaraz kontra Sabalenka-Djokovic sa semifinals kung parehong aabante. Gaganapin ang mixed doubles semifinals at final sa Huwebes sa Arthur Ashe Stadium.
Ang pakikipagtambal kay Alcaraz ay unang pagbabalik ni Williams sa US Open simula sa huli niyang laro noong 2022.
Ang anim na beses na US Open singles champion ay nanalo ng US Open mixed doubles title noong 1998 kasama si Max Mirnyi. Siya at ang kanyang kapatid na si Venus ay mayroon ding dalawang career US Open women’s doubles titles bilang magkatambal.
Kasama rin sa maglalaban ang finalist noong nakaraang taon na sina Iga Swiatek (Poland) at Casper Ruud (Norway); defending champions na mga Italyano na sina Sara Errani at Andrea Vavassori; at mga Amerikano na sina Jessica Pegula at Taylor Fritz.
Nagsimula ang mixed doubles sa qualifying round nitong Lunes, kung saan walong koponan ang maglalaban para sa huling dalawang puwesto sa main draw.
Ang mga laban mula qualifying hanggang semifinals ay best-of-three sets na may set na hanggang apat na games; no-ad scoring (tiebreak sa 4-4); at 10-point tie-break kapalit ng third set.
Ang championship match naman ay mas tradisyonal na best-of-three sets, na may no-ad scoring at 10-point tiebreak kapalit ng third set.


