Utang pa more!
Katumbas na ng ₱166,077 bawat Pilipino ang lumobong utang ng national government matapos itong pumalo sa ₱19.07 trilyon noong katapusan ng June 2026.
Batay sa datos ng Bureau of the Treasury na ginamit ng IBON Foundation, umakyat nang ₱6.27 trilyon o 49% ang utang mula sa ₱12.79 trilyon noong end-June 2022.
Nakuha ang ₱166,077 sa paghahati ng kabuuang utang sa tinatayang 114.8 milyong populasyon. Hindi ito personal na obligasyong direktang sisingilin sa bawat mamamayan, kundi paglalarawan lamang ng katumbas na halaga kada Pilipino.
Sa tantiya naman ng IBON gamit ang humigit-kumulang 27.5 milyong pamilyang Pilipino, katumbas ang utang ng ₱693,802 bawat pamilya.
Sa ₱19.07 trilyong kabuuang obligasyon, ₱12.84 trilyon o 67.33% ang domestic debt—utang na kinuha sa loob ng bansa. Nasa ₱6.23 trilyon o 32.67% naman ang external debt.
Iba rito ang pagkakahati ayon sa currency: 66.70% ng kabuuang utang ang peso-denominated, habang 33.30% ang nakasaad sa foreign currencies.
Sa external debt, pinakamalaki ang bahagi ng US dollar sa 77.84%. Sinundan ito ng Japanese yen sa 11.19% at euro sa 9.47%. Nasa 0.88% ang Philippine peso at 0.62% ang iba pang currency.
Ipinapakita ng mga numero ang patuloy na paglaki ng obligasyong kailangang pondohan ng pamahalaan mula sa mga kasalukuyan at susunod na pambansang badyet. /Bistado


