Pinaigting ng Department of Agriculture (DA) ang market early-warning system nito para maagapan ang oversupply ng gulay, mabilis na maiugnay ang farmers sa buyers, at maiwasang mabulok o maibenta sa bagsak-presyo ang kanilang ani.
Sa pamamagitan ng Agricultural Marketing Assistance Service, palalakasin ng DA ang monitoring ng paparating na harvests, farmgate prices, lagay ng panahon, logistics, at iba pang maaaring makaapekto sa supply chain.
Ayon kay Genevieve Velicaria-Guevarra, Assistant Secretary for Agribusiness, Marketing, and Consumer Affairs at pinuno ng KADIWA ng Pangulo, layunin nitong mabigyan ang regional help desks ng mas malinaw na larawan ng inaasahang supply mula bukid hanggang pamilihan.
“Gusto nating lumipat mula sa pagtugon lamang sa mga problema tungo sa maagap na pag-antabay sa mga ito,” ani Guevarra. “Magbibigay ang monitoring system ng mga alerto tungkol sa mga paparating na anihan, sama ng panahon, at iba pang kaganapan na maaaring makaapekto sa supply chain, upang mas maagang makapagpatupad ng tulong.”
Regular ding tatantiyahin ang harvest volume at imo-monitor ang farmgate prices para mapahusay ang planning at makatulong na mapigilan ang posibleng pang-aabuso ng middlemen.
Paiigtingin din ng DA ang information drive para mas maraming farmers, lalo na ang nag-ooperate sa trading centers, ang maka-access sa tulong ng KADIWA.
Palalakasin din ang koordinasyon sa ibang government agencies na maaaring magsilbing institutional buyers ng highland vegetables kapag sumobra ang supply, sa halip na umasa lamang ang farmers sa trading centers.
Mahalaga ito sa gulay dahil mabilis na maaaring lumampas ang seasonal harvest sa kayang saluhin ng market. Sa matinding oversupply, may mga pagkakataong itinatapon na lamang ang unsold vegetables sa roadside dahil mas malaki pa ang gastos sa transportasyon kaysa posibleng mabawi sa bentahan.
Pansamantalang tugon ang early-warning system habang hinihintay ang mas malalaking cold storage at vegetable processing facilities.
“Ang nangyari sa Benguet ngayong taon ay maaari ring ituring na force majeure, dahil sa labis na pag-ulan na nagpahirap sa supply chain,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. “Ang pangmatagalang solusyon natin ay malalaking cold storage at mga pasilidad sa pagproseso ng gulay. Naglaan na tayo ng pondo para sa 2027, at ang mga pasilidad na ito ay itatayo sa tabi ng Benguet Agri Pinoy Trading Center.”
Habang tinatalakay pa ng Kongreso ang proposed 2027 budget, nire-rehabilitate ng DA ang existing cold storage facilities at naglalagay ng mas maliliit na pasilidad para pansamantalang madagdagan ang storage capacity. /Bistado


