Nagbabala ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) sa publiko laban sa mga text message na gumagamit sa pangalan at pagkakakilanlan ng ahensya para makuha ang personal at sensitibong financial information ng mga biktima.
Sa isang advisory, sinabi ng PHLPost na karaniwang nagpapadala ang scammers ng text messages na may kahina-hinalang links, isang modus na tinatawag na “smishing.”
Ipinapahayag umano sa mensahe na may problema sa delivery ng parcel dahil kulang ang address o kailangang agad magbayad ng “redelivery fee” gamit ang credit o debit card.
Nilinaw ng PHLPost na hindi galing sa postal service ang ganitong messages at hindi ito humihingi sa text ng sensitibong impormasyon gaya ng bank account details, card information, passwords, o One-Time Passwords (OTPs).
Pinayuhan ang publiko na huwag pindutin ang kahina-hinalang links, magbigay ng personal o banking information, o magbayad online gamit ang unverified websites.
Dapat ding suriin muna ang source at authenticity ng anumang mensahe bago gumawa ng aksyon.
Para sa lehitimong parcel tracking at verification, pinayuhan ang publiko na gamitin lamang ang official PHLPost website at authorized communication channels.
Para sa inquiries o pag-report ng suspicious messages at activities, maaaring tawagan ang PHLPost Customer Service sa (02) 8288-7678 o 8288-POST.
Maaari ring magsumite ng report sa phlpostcares@phlpost.gov.ph o sa PHLPost Inspectorate Department sa isd@phlpost.gov.ph.
Hinimok ng PHLPost ang publiko na manatiling alerto sa pagtanggap ng text messages, social media posts, emails, at iba pang online communications. /Bistado


