Limang punto ang itinampok ng House prosecution matapos ang Day 17 ng impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte, kabilang ang pag-turn over umano ng P500 million cash kay Col. Raymund Dante Lachica at mga tanong kung paano na-verify ang paggamit ng confidential funds.
Inilahad ni House prosecution deputy spokesperson Atty. Hezekiah Joshua Garcia Montalan ang recap matapos ang pagpapatuloy ng testimonya ni dating Office of the Vice President (OVP) special disbursing officer Gina Acosta, na tumestigo bilang hostile prosecution witness.
“Una, ang ₱500 million ay na-release kay Lachica. Kinumpirma ni Acosta na mayroon siyang nai-disburse na apat na beses na ₱125 million to Col. Lachica,” sabi ni Montalan.
Binubuo ito ng P125 million na winithdraw noong December 2022 at tatlo pang tig-P125 million noong 2023. Tumestigo si Acosta na siya ang nag-encash ng checks at nag-turn over ng pera kay Lachica sa utos ni Duterte.
Sa unang withdrawal, inilagay ang P125 million sa apat na travel bags. Ayon sa recap, si Acosta ang nagmungkahi ng four-bag arrangement kay Duterte, na inaprubahan naman nito.
Ikalawang punto ng prosecution ang pagiging unbonded officer ni Lachica.
“Pangalawa, si Lachica ay hindi bonded officer. Sabi ni Acosta na siya mismo ang accountable officer under JC 2015-01,” sabi ni Montalan.
Sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01, ang special disbursing officer ang responsable sa pag-disburse ng confidential funds, pag-maintain ng transaction records, at paghahanda ng liquidation reports at supporting documents.
Nanatiling bonded at accountable officer si Acosta at siya ang lumagda sa liquidation reports at certifications. Pero batay sa kanyang testimonya, si Lachica ang tumanggap ng cash, nagpatupad ng confidential activities, at nagbigay ng records at paliwanag na ginamit sa liquidation.
Ikatlo, sinabi ng prosecution na alam ni Acosta ang governing rule.
“After the rule was read to her, Acosta answered, ‘Alam ko po,’” ayon kay Montalan.
Nanindigan naman si Acosta na ibinigay niya ang pera kay Lachica dahil itinalaga ito ni Duterte bilang OVP security officer na nangangasiwa sa confidential operations.
Ikaapat, tinutukan ang internal acknowledgment na sinabi ni Acosta na pinirmahan ni Lachica nang matanggap ang pera.
“Sabi ni Acosta, binawi ni Lachica ang pinirmahang resibo or acknowledgment receipt,” sabi ni Montalan.
Ayon sa prosecution recap, matapos maisumite ang liquidation documents, kinuha umano ni Lachica ang acknowledgment receipts at kopya ni Acosta ng handoff record.
Ikalima, kinuwestiyon ng prosecution kung paano na-verify ni Acosta ang reported expenditures gayong umaasa siya sa records at paliwanag ni Lachica.
“Kung si Acosta ang accountable, bakit ang pera, ang paggastos at ang mga records, lahat nanggaling kay Lachica?” tanong ni Montalan.
“There was no first-hand view. Sabi ni Acosta, wala siya sa ground. She did not personally witness many of the listed payments,” dagdag niya.
Batay sa testimonya, si Acosta ang lumagda sa liquidation reports, habang nakalagay din sa mga dokumento ang pirma ni Duterte na nagse-certify na naisakatuparan ang purposes ng cash advances.
Dito ibinatay ng prosecution ang tanong: “Sino ang malayang nagsuri sa records?”
Saklaw ng Article I ng impeachment case ang umano’y misuse at irregular liquidation ng P612.5 million confidential funds: P500 million sa OVP at P112.5 million sa Department of Education habang education secretary si Duterte.
Ang testimonya, interpretasyon ng prosecution, at supporting documents ay sasailalim pa sa ebidensya ng defense at final assessment ng Senate Impeachment Court. /Bistado


