ILOILO CITY – Umabot sa 1,234 katao ang nahuli sa operasyon ng Philippine National Police (PNP) laban sa illegal fishing at illegal logging sa Western Visayas mula May 22 hanggang August 15.
Ayon sa PNP, nasa P78.87 million ang kabuuang tinatayang halaga ng mga nakumpiskang natural resources, fishing equipment, at iba pang kagamitan sa mga operasyon.
Sa kampanya laban sa illegal fishing, 928 katao ang nahuli sa 537 operasyon.
Mahigit P1.27 million halaga ng isda at iba pang fishing-related items ang nasabat, bukod sa fishing equipment at paraphernalia na tinatayang nagkakahalaga ng P74.84 million.
Samantala, 306 katao ang nahuli sa 772 operasyon laban sa illegal logging.
Narekober sa mga operasyon ang lumber at iba pang forest products na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P2.30 million, kasama ang nakumpiskang charcoal na tinatayang P460,360 ang halaga.
Ayon sa PNP, bahagi ang mga operasyon ng patuloy nitong kampanya para protektahan ang forests at fisheries ng bansa.
Isinasagawa ang mga operasyon katuwang ang concerned government agencies, local authorities, at mga komunidad sa Western Visayas. /Bistado


