Labindalawang guro ang ligtas na nasagip matapos gumuho ang tulay na kawayan na pangunahing daanan ng isang komunidad sa Bongabong, Oriental Mindoro.
Na-stranded ang mga guro ng Naswak Elementary School sa Sitio Naswak, Barangay Lisap noong August 20, matapos tumaas ang tubig sa Bongabong River at tangayin ang tulay.
Iniulat ng isang barangay official sa mga awtoridad na hindi na makatawid ang mga guro dahil sa mabilis na pagtaas ng ilog.
Agad na nagsagawa ng rescue operation ang 2nd Provincial Mobile Force Company ng Oriental Mindoro Police Provincial Office, 10th Special Action Battalion ng Special Action Force, Bureau of Fire Protection–Bongabong at Bongabong Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Rescue Division.
“Following coordination between the MDRRMO, police and other responding agencies, rescue personnel proceeded to the area to assess the situation and evacuate the stranded teachers,” ayon sa police report.
Ligtas na dinala ang mga guro sa MDRRMO Operations Center sa Barangay Sagana, kung saan sila binigyan ng kinakailangang tulong.
Walang naiulat na nasaktan sa insidente.
Naganap ang rescue operation habang patuloy ang pag-ulan sa ilang bahagi ng Oriental Mindoro, dahilan upang tumaas ang tubig sa mga ilog at maputol ang ilang access route.
Muling pinayuhan ng PRO Mimaropa ang publiko na bantayan ang official advisories, iwasang tumawid sa rumaragasang ilog o sirang tulay at agad humingi ng tulong sa mga awtoridad kapag naging mapanganib ang sitwasyon. /Bistado


