“Mayor Edwin, Ano na?”
Ito ang tanong ng ilang residente ng Barangay San Dionisio sa Parañaque City kay Mayor Edwin Olivarez, kasabay ng panawagang aksyunan ang paulit-ulit na pagbaha malapit sa Irasan Creek, linisin at i-dredge ang baradong daluyan, at ipaliwanag kung bakit umano nahinto ang box culvert project sa lugar.
Kasunod ito ng malawakang pagbaha sa Parañaque City nitong mga nagdaang linggo. Sa inilabas na update ng lokal na pamahalaan, itinuro ng mga opisyal ng lungsod ang mga baradong daluyan, basura, high tide at matinding pag-ulan bilang ilan sa mga dahilan ng pagbaha.
Gayunman, sinabi ng isang residente na tila hindi nabanggit ang San Dionisio sa listahan ng mga apektadong lugar sa naturang city update.
“May napansin lang ako na sa mga naapektuhang lugar na binanggit ay tila wala ang San Dionisio. Nalimutan? O sadyang hindi tiningnan?” aniya.
Isa pang residente ang nagsabing madalas bahain ang ilang bahagi ng San Dionisio, partikular ang Irasan patungong Buenaventura Street–Tramo, kapag nagkasabay ang malakas na ulan at high tide.
“May mga bahagi ng San Dionisio na madalas na binabaha kapag malakas ang ulan lalo na kapag sumasabay pa ang high-tide,” aniya.
Gayunman, lumilitaw sa hiwalay na flood monitoring report ng Parañaque City Disaster Risk Reduction and Management Office na kabilang ang San Dionisio Avenue–UPS 5 sa mga lugar na nakaranas ng gutter-deep na baha noong nakaraang weekend.
Batay sa monitoring hanggang 8:25 p.m., umabot sa dibdib ang baha sa Scholastica Street at Sta. Ana Drive.
Waist-deep naman ang tubig sa San Pedro Valley 2, Urma Drive, Dr. A. Santos Avenue sa tapat ng SM BF, northbound at southbound lanes sa tapat ng Fourth Estate, at Sun Valley Drive malapit sa Annex 41.
Naitala ang knee-deep na baha sa mga bahagi ng Dr. A. Santos Avenue sa tapat ng SM Sucat, Wilcon Depot, St. Peter Chapel, Olivarez at Parañaque National High School; Canaynay Avenue; Franc Lane Street corner Ruppe Lane sa Villanueva Village; San Felipe Street sa Valley 2; Greenheights Village; Kaingin Road; President Avenue; El Dorado Dulo; Levitown Avenue Dulo; Doña Soledad Avenue sa tapat ng Airport Village; at Daang Bata corner Jordan.
Bukod sa San Dionisio Avenue–UPS 5, gutter-deep din ang baha sa Quirino Avenue, Sitio Libjo, Alejandro, El Garcia, Vitalez Compound Road, Gat Mendoza at Doña Soledad Avenue–Russia Street.
Sa hiwalay na ulat, kabilang din ang ilang bahagi ng San Dionisio, San Isidro, San Antonio at Dr. A. Santos Avenue sa matinding binaha. Pinag-aaralan ng pambansa at lokal na pamahalaan ang paglalagay ng floodgate sa Parañaque River upang makontrol ang pagpasok ng tubig mula Manila Bay kapag high tide.
Nakikipag-ugnayan din umano ang lungsod sa Metropolitan Manila Development Authority para sa iba pang flood-control measures.
Iginiit naman ng isa pang residente na hindi lamang basura ang kailangang alisin sa Irasan Creek. Ayon sa kanyang reklamo, may mga bahay na itinayo sa ibabaw ng creek habang patuloy ang pagtatapon ng basura sa daluyan. Hiniling niyang mapag-aralan ang relokasyon ng mga nakatira sa mga tinukoy niyang ilegal na istruktura.
“Hindi sapat ang paglilinis ng creek lamang minsan sa isang lingo, Patuloy sana ang paglilinis at magsagawa ng dredging .” aniya.
Isa pang residente ang humingi ng paliwanag tungkol sa box culvert project sa Irasan Creek.
“Ang unahang bahagi ng Irasan Creek ay nagawan na ng Box Culvert. Subalit sa anumang kadahilanan ay nahinto ang proyektong ito,” aniya.
Nanawagan ang mga residente kay Olivarez na tingnan ang sitwasyon sa San Dionisio, ipagpatuloy ang regular na paglilinis at dredging ng creek, tugunan ang mga istrukturang nakasasagabal sa daluyan, at linawin kung ano ang susunod na hakbang sa natigil umanong proyekto. /Bistado


