Umakyat na sa halos 6.52 milyong katao ang naapektuhan ng pinagsamang hagupit ng Bagyong Luis at Maymay at patuloy na habagat, habang 29 iniulat na nasawi ang bineberipika pa ng Office of Civil Defense (OCD).
Ayon kay OCD public information officer Diego Mariano nitong Huwebes, August 20, katumbas ng humigit-kumulang 1.82 milyong pamilya ang mga apektado sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Cordillera at National Capital Region.
Nasa 13,957 pamilya o 47,277 katao ang kasalukuyang nanunuluyan sa 628 evacuation center.
Umabot naman sa 1,882 bahay ang nasira, habang 226 tirahan ang tuluyang nawasak. Tinatayang P4.6 bilyon ang pinsala sa imprastraktura at P1.4 bilyon sa agrikultura.
Sa 29 iniulat na nasawi, 15 ang mula sa Benguet; tig-apat sa Rizal at Batangas; dalawa sa Caloocan; at tig-isa sa La Union, Quezon, Oriental Mindoro at Negros Occidental. Nasa 19 katao rin ang nasugatan at tatlo ang nawawala.
Kasabay ng patuloy na rescue at relief operations, inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga police commander na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga tauhang ipinapadala sa mga lugar na binaha.
“Each and every PNP personnel deployed for disaster response has family too and as commanders, we have to make sure that they are taken care of in order for them to go home safely,” ani Nartatez.
Mahigit 600 pulis ang ipinakalat para tumulong sa rescue, relief at public assistance operations. Nagbibigay din ang PNP ng libreng sakay sa mga stranded commuter sa mga binahang lugar.
“We will also provide psychosocial support for our men, especially those whose families have also been affected by the massive floods brought by torrential rains,” dagdag ni Nartatez.
Samantala, patuloy na mabagal na kumikilos ang Tropical Depression Neneng sa coastal waters ng eastern Taiwan, ayon sa 11 a.m. bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Dakong 10 a.m., namataan ang sentro nito 450 kilometro hilaga ng Itbayat, Batanes, taglay ang maximum sustained winds na 45 kilometro kada oras, bugso na hanggang 55 kilometro kada oras at central pressure na 1,004 hectopascals.
Mabagal itong kumikilos pahilaga-hilagang-silangan, habang umaabot hanggang 420 kilometro mula sa sentro ang malalakas na hangin. Walang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal.
Gayunman, magdadala ang Habagat ng malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin sa karamihan ng Luzon at Visayas, Davao Region, Northern Mindanao at Zamboanga del Norte mula Huwebes hanggang Sabado, August 22.
Posibleng umabot sa apat na metro ang mga alon sa western seaboards ng Batanes at Babuyan Islands; 3.5 metro sa Ilocos Norte at iba pang baybayin ng Batanes; at tatlong metro sa Ilocos Sur, Zambales, western Pangasinan at northwestern Kalayaan Islands.
Maaari namang umabot sa 2.5 metro ang alon sa La Union, Lubang Islands, northern Pangasinan, western Batangas at western at southern Bataan. Hanggang dalawang metro naman ang inaasahan sa western Occidental Mindoro, northern at western northern Palawan kasama ang Calamian Islands, at ibang baybayin ng Babuyan at Kalayaan Islands.
Pinag-iingat ang mga gumagamit ng motorbanca at kahalintulad na maliliit na sasakyang-pandagat at pinapayuhang umiwas muna sa paglalayag kung maaari.
Inaasahang kikilos pahilaga ang Neneng at maaaring lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa loob ng 12 oras. Posible rin itong humina bilang remnant low sa loob ng forecast period. /Bistado


