Umabot sa 53 lungsod at munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity dahil sa pinalakas na habagat at epekto ng Bagyong Luis at Maymay, ayon sa 8 a.m. situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes, August 20.
Saklaw ng bilang ang buong Pampanga na may 21 local government units (LGUs) at buong Cavite na may 23. Kasama rin ang Dagupan City; Santa Barbara at Mangaldan sa Pangasinan; Calumpit, Hagonoy at Bulakan sa Bulacan; Masinloc sa Zambales; Rodriguez sa Rizal; at Nasugbu sa Batangas.
Gayunman, lumawak pa ang saklaw sa Bulacan matapos ideklara ang buong lalawigan sa ilalim ng state of calamity nitong Huwebes sa pamamagitan ng Sangguniang Panlalawigan Resolution No. 708-T’2026.
Umabot sa anim na talampakan ang baha sa Calumpit, Hagonoy at Bulakan, habang nakapagtala naman ng landslides sa Doña Remedios Trinidad. Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), 960,821 residente mula sa 275,000 pamilya ang direktang naapektuhan. Lumampas sa P130 milyon ang pinsala sa agrikultura, fisheries, livestock at poultry.
Iniugnay ang pagbaha sa high tide sa Manila Bay, flash floods mula sa matataas na bahagi ng Bulacan at Rizal, backflooding mula Pampanga at pagpapakawala ng tubig mula sa mga dam.
“We need more funds to reach out to them; we need to declare a state of calamity,” ani Gov. Daniel Fernando.
Sa Pampanga, 860,076 indibidwal o 269,775 pamilya ang naapektuhan. Binaha ang 297 barangay sa 17 LGUs at 7,731 katao ang inilikas. Lumampas sa P505 milyon ang agricultural damage na tumama sa 3,787 magsasaka at mangingisda.
Sa Dagupan, 23 barangay ang nanatiling lubog sa baha nang ideklara ang state of calamity noong Lunes, August 10. Umabot sa 22,047 pamilya o 90,015 katao mula sa 31 barangay ang naapektuhan, habang 65 pamilya o 202 katao ang preemptively evacuated sa anim na evacuation center. Pitong sunod na araw ding suspendido ang klase.
Sa Masinloc, nagdulot ang habagat ng malawakang baha, pinsala sa mga ari-arian, agrikultura at imprastraktura, pagkaantala sa basic services at paglikas ng ilang pamilya. Pansamantala ring sinuspinde ang trabaho at klase.
Sa Nasugbu, ilang araw na lumubog sa baha ang mga bahay at establisimyento matapos ang Maymay. Binanggit din sa resolusyon ang pagbaha sa low-lying at riverbank areas at mga kaso ng dengue at Japanese encephalitis. Pinahintulutan ang paggamit ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund Quick Response Fund para sa relief, rescue at rehabilitation.
Hiwalay ding isinailalim sa state of calamity ang La Trinidad, Benguet noong Martes, August 18, bagama’t hindi ito nakalista sa 53 LGUs sa infographic. Umabot sa P57 milyon ang infrastructure damage, P1.6 milyon sa mga bahay at halos P25 milyon sa agrikultura.
Tinatayang P220 milyon ang kailangan para sa buong rehabilitasyon, habang maaari nang gamitin ng bayan ang P13-milyong Quick Response Fund. /Bistado


