Dalawampu’t limang dating driver at security aide ni former Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co ang lumagda umano sa mga sworn statement na nagtatangging naghatid sila ng pera kay former Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez o sa sinumang opisyal ng gobyerno.
Ayon kay Atty. Ade Fajardo, abogado at spokesperson ni Romualdez, isinumite sa Office of the Ombudsman nitong Huwebes, August 20, ang mga affidavit bilang attachment sa supplemental counter-affidavit ng mambabatas.
Isinama rin umano ang iniulat na pagbawi ni dating Co security aide Orly Guteza sa kanyang alegasyon laban kay Romualdez.
“They have come forward and directly contradicted the earlier accounts of the 18 Maleta Boys presented by Atty. Baligod,” ani Fajardo.
Sinabi niyang mariing itinanggi ng 25 dating tauhan ni Co na lumahok sila sa anumang cash delivery para kay Romualdez, sa ibang politico, o sa anumang government official.
Iginiit din umano ng mga lumagda na hinikayat silang sumali sa isang grupo ng mga testigo kapalit ng pera at may inihanda nang mga affidavit para sa kanila.
“Ayon sa kanila, walang naganap na anumang delivery ng pera sa sinumang pulitiko o opisyal ng gobyerno, kabilang na si Rep. Romualdez. Hinikayat lamang silang sumali sa isang grupo ng mga testigo kapalit ng pera, at may mga affidavit nang inihanda para sa kanila,” ani Fajardo.
Hiwalay pa rito ang sinasabing recantation ni Guteza, na naunang humarap sa Senado at nag-alegang naghatid siya ng mga maletang may lamang pera kay Romualdez.
“Si Orly Guteza naman, naglabas rin ng pahayag at idinetalye kung paanong ang mga akusasyon ay ipinilit sa kanya para tanggapin at pirmahan, bilang missing link na siya raw mag-uugnay daw kay Rep. Romualdez sa kaso,” ani Fajardo.
Ayon sa abogado, lumilikha ang mga bagong affidavit at iniulat na pagbawi ni Guteza ng seryosong tanong sa credibility at pinagmulan ng testimonial evidence laban kay Romualdez.
“Magkakasalungat ang mga kuwento. May mga bumabawi. May mga bagong testigong nagsasabing wala silang personal na kaalaman sa mga alegasyon,” ani Fajardo.
Hinimok ni Fajardo ang Ombudsman na suriin hindi lamang ang nilalaman ng mga testimonya kundi pati kung paano nabuo ang mga alegasyon at kung maaasahan pa ang mga pahayag na kinokontra ngayon ng ibang testigo.
“Sa dami ng magkakasalungat na kwento, napaka klaro na walang ebidensya laban kay Rep. Romualdez,” ani Fajardo.
Patuloy namang itinatanggi ni Romualdez na tumanggap siya ng pera mula kay Co o sa mga tauhan nito.
“We remain confident that in a fair investigating body, mapapatunayan naming walang basehan ang mga akusasyon laban kay Rep. Romualdez,” ani Fajardo. /Bistado


