Sumakabilang buhay na noong Lunes, August 17, ang mahal na ina ng aktres na si Sue Ramirez.
Kasabay ng matinding ulan at mga pagbaha ay mababasa ang malungkot na post ng aktres sa kanyang social media tungkol sa pagkamatay ng ina niyang si Concepcion “Chit” Garina- Dodd sa edad na 69.
“Kasabay kong umiiyak ang langit,” post ng aktres sa kanyang socmed.
Kilala bilang isang matikas na labor leader si Sis. Chit kung tawagin ng mga kasama niya sa grupong TUCP o Trade Union Congress of the Philippines.
Isa itong labor organization na nakikibaka sa mga isyu at karapatan ng mga manggagawa sa buong bansa. Nagsisilbi ditong Vice-President ang nanay ng aktres hanggang sa itoý bawian ng buhay.
Nagsilbi din itong National President ng Confederation of Labor and Allied Social Services (CLASS).
Wala pang anunsyo sa naging sanhi ng pagkamatay ni Sis. Chit subalit base sa naging panawagan ni Sue nitong January 2026, tungkol sa paghingi niya ng ‘blood donation para sa open heart surgery ng ina, malamang daw na may kaugnayan ito sa naturang kundisyon.
Bumuhos naman ang mga pakikiramay kay Sue mula sa mga kasamahan sa showbiz at lalo na ang mga kasama ng nanay niya sa TUCP na nalulungkot ng lubos sa pagkamatay ng isa sa itinuturing nilang haligi ng organisasyon.
Kahit ang ex-boyfriend ni Sue na si Negros Occidental Third District Representative Javi Benitez ay personal na nag-post ng pakikiramay dahil tila naging mabuti ang turingan nila ng ex-gf.
Sa kanyang FB account noong August 18 ay ibinahagi ng kongresista ang screenshot ng mensaheng ipinadala sa kanya ni Sis. Chit nang minsan niya itong bigyan ng bouquet of flowers.
Pinuri at inalala din ni Javi ang dedikasyon at mga adbokasiya ng ina ni Sue para sa mga manggagawang Pilipino.
Sa caption ni Javi: “This is how I will remember Mommy Chit… flowers in her arms, that radiant smile, beautiful and completely herself. Make no mistake, she was not soft. She had strong opinions and stronger principles, and she fought for the Filipino worker like it was personal.”
Dagdag pa niya, “Salamat sa imo kabuhi nga ginhalad para sa mga mamumugon. Pahuway na, Tita.” ( “Salamat sa iyong buhay na inialay para sa mga manggagawa. Magpahinga ka na, Tita.”)
Kapwa Ilonggo sina Javi at Sis. Chit. Mula sa Sipalay, Negros Occidental ang angkan nina Sue Ramirez.


