Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

VP Sara impeachment trial, 2 araw nang postponed 

Dalawang magkasunod na araw na naudlot dahil sa masamang panahon ang impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte, ngunit iginiit ng House prosecution panel na hindi ito dapat mauwi sa pagmamadali o pag-shortcut sa mahahalagang testigo at dokumento sa confidential funds case.

Muling kinansela ang paglilitis nitong Miyerkules, August 19, dahil sa inaasahang tuloy-tuloy na malakas na ulan dulot ng habagat.

“In view of the anticipated continued heavy rainfall associated with the enhanced Southwest Monsoon and upon the instruction of the presiding officer,” nakasaad sa notice na nilagdaan ni Impeachment Clerk of Court Renato Bantug Jr. noong August 18. 

Ikalawang kanselasyon ito sa loob ng isang linggo. 

Nagpatupad din ang Malacañang ng alternative work arrangements sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan sa ilalim ng Memorandum Circular No. 129.

Sinabi ni House impeachment adviser at spokesperson Ace Barbers na walang kontrol ang magkabilang panig sa weather-related suspensions, ngunit naaantala nito ang pagbusisi sa ebidensya.

“Itong mga delays that are happening, hindi naman natin sinasadya. Pero nade-delay po nito ang ating proseso sa paglilitis,” ani Barbers.

“Nade-delay ang pagpapalabas ng katotohanan. So hopefully, bumilis-bilis tayo, because sabi nga, justice delayed is justice denied,” dagdag niya.

Ayon kay private prosecutor Atty. Lorna Kapunan, kailangan sa Article I ang testimonya ng ilang kasalukuyan at dating government personnel. Posible rin umanong magpatawag ng mga testigo mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) at iba pang ahensya upang suriin ang mga pangalan at pirma sa acknowledgment receipts.

Sinusundan ngayon ng prosecution ang galaw ng ₱125 milyon na inilabas mula sa Landbank noong December 20, 2022.

Naunang tumestigo si dating Office of the Vice President (OVP) special disbursing officer Gina Acosta na inilagay niya ang cash sa apat na travel bag at ibinigay kay dating security officer Col. Raymund Dante P. Lachica, umano’y sa utos ni Duterte. Inilalatag pa ng prosecution ang ebidensya kung saan napunta ang pera at kung paano ito iniulat at ni-liquidate.

“Confident ang prosecution na talagang dapat ipakita lahat ng mga dokumentong ito. Iyon ang buong story, at hindi po puwedeng i-shortcut ang buong story,” ani Kapunan.

Nilinaw niyang hindi nangangahulugang kailangang ubusin ng prosecution ang lahat ng 31 trial days na inilaan para sa Article I.

Kinilala na ng Impeachment Court ang ilang records mula sa House Committee on Good Government and Public Accountability. May mga stipulation na rin kaugnay ng mga dokumentong napatunayan sa pamamagitan ng House Archives.

“Mapapadali ang presentation of evidence because of this judicial notice,” ani Kapunan.

Dahil dito, maaaring hindi na kailanganin ang ilang testigo para lamang tukuyin o patunayan ang authenticity ng mga transcript at dokumentong kinilala na ng korte.

Iminungkahi rin ng prosecution ang bahagyang pagbabago sa schedule upang mabawi ang mga nawalang araw ng paglilitis. Suportado ni Kapunan ang pagsisimula ng paglilitis alas-3 ng hapon upang makapagdaos muna ng legislative at committee work ang Senado at Kamara sa umaga.

Sinabi naman ni Barbers na maaaring ilaan ang Huwebes sa Senate committee hearings at gawing dagdag na trial day ang Biyernes kung nais ng korte na mapabilis ang proceedings.

Iginiit ni Kapunan na mahalagang tuloy-tuloy ang pagtatanong, lalo na sa isang hostile witness.

“Ang mahirap, pag pinuputol ang testimony ng isang witness, lalo na isang hostile witness, puwedeng ma-coach,” aniya.

Para sa prosecution, maaaring alisin sa pamamagitan ng judicial notice at stipulations ang paulit-ulit na authentication ng records. Gayunman, kailangan pa ring maiharap ang mga testigo at dokumentong mahalaga sa pagtunton sa public funds at sa pagtukoy sa posibleng pananagutan ng mga opisyal. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles