Muling nagdala ng karangalan sa Pilipinas ang world No. 13 pole vaulter na si Ernest John “EJ” Obiena matapos lumundag ng 5.91 meter at makuha ang gintong medalya sa Golden Sand Competition sa Miedzyzdroje, Poland nitong Martes ng umaga (oras sa Pilipinas).
Nagtakda rin ang 30 anyos na si Obiena ng bagong meet record para sa kanyang ikawalong ginto ngayong taon.
Ito ang pinakamataas na talon ni Obiena matapos ang 5.90m sa 2024 Paris Olympics, kung saan pang-apat na pwesto siya.
“I haven’t been up here for some time … 5.91m here in Międzyzdroje for the (gold) and a new meeting record. Thank you very much Golden Sand for having me. Happy to finally be back over a 90 bar,” ayon kay Obiena sa isang Facebook post.
Kasama sa mga tinalo ni Obiena ang mga posibleng katunggali sa Japan Asian Games na sina Seifeldin Abdelsalam ng Qatar, Hussein Asim Al Hizam ng Saudi Arabia at Masaki Ejima ng Japan.
Nakuha ni Abdelsalam ang pilak sa 5.75m habang nasungkit ni World No. 15 Cole Walsh ng US ang bronze sa 5.70m, matapos manaig sa countback laban sa dati niyang training partner na si Al Hizam.
Nalampasan din ni Obiena ang 5.85m sa Meeting Madrid in Spain kung saan pilak ang nakuha nya at ang 5.83m sa pinagwagian na Stabhochsprung Meeting sa Jockgrim, Germany noon lamang nakaraang Linggo.
Ang iba pa nyang panalo ngayon taon ay sa Cottbus, Berlin, Halberstadt, Poznań, Eisenstadt at Tianjin.
Inaasam ni Obiena na mapataas ang ranking upang makuha ang inaasam na slot sa kauna-unahang World Athletics Ultimate Championship, isang bagong biennial at season-ending track and field tournament na nakatakdang ganapin mula Setyembre 11 hanggang 13 sa National Athletics Centre sa Budapest, Hungary.
Magiging magandang paghahanda ito para sa pagtatanggol sa kanyang titulo sa 20th Asian Games na magbubukas sa Setyembre 19.
Kamakailan ay inilipat niya ang kanyang training base sa Greece, kung saan nagsasanay siya kasama ang kasalukuyang world No. 2 na si Emmanouil Karalis.


