Muling bubuhayin ng Gilas Pilipinas ang tunggalian nito laban sa China sa unang bahagi ng kampanya sa 20th Asian Games sa Nagoya, Japan sa Setyembre.
Kasama ng dalawang koponan sa Group C ang Bahrain at Kazakhstan matapos ang opisyal na bunutan, na nagtakda ng maagang rematch sa isa sa mga pinaka-hindi malilimutang laro sa kasaysayan ng Asiad.
Nagsagawa ang Gilas ng kahanga-hangang comeback laban sa China sa semifinals ng 2023 Hangzhou Asian Games, matapos burahin ang 20-point deficit at gulatin ang host team, 77-76, sa harap ng home crowd.
Naging bida si naturalized Filipino Justin Brownlee, na nagbaon ng magkasunod na three-pointers sa mga huling sandali ng laro.
Dahil sa panalong iyon, umabante ang Pilipinas sa gold medal game kung saan tinalo nito ang Jordan, 70-60.
Winakasan nila ang 61-taong paghihintay ng bansa para sa Asian Games men’s basketball title.
Pangungunahan ng host Japan ang Group A kasama ang South Korea, Saudi Arabia at Indonesia, habang tampok sa Group B ang Iran, Jordan, Chinese Taipei at Qatar.
Magsisimula ang basketball action sa Setyembre 10 sa Aichi International Arena, mahigit isang linggo bago ang opisyal na pagbubukas ng Asiad sa Setyembre 19.
Sisipa ang kampanya ng Gilas para ipagtanggol ang titulo sa Setyembre 11 laban sa Bahrain, na susundan ng laro kontra Kazakhstan kinabukasan.
Gaganapin naman sa Setyembre 14 ang pinakahihintay na rematch ng Gilas at China.
Gagamit ang torneo ng single round-robin format sa group phase, kung saan ang top two mula sa bawat grupo at ang dalawang best No. 3 ang uusad sa quarterfinals.
Kinumpirma na ni coach Tim Cone na hindi maglalaro sa Asiad ang mga overseas Filipinos na kasali sa ibang propesyonal na liga sa Korea at Japan.
Wala ang mga Gilas Pilipinas regulars na sina Dwight Ramos, AJ Edu, Quentin Millora-Brown, Jamie Malonzo, Kai Sotto, Carl Tamayo at Kevin Quiambao.
“None of the Japan and Korean players can play in the Asian Games, so we just decided to pretty much bring an all-PBA contingent to the Asiad, along with Justin (Brownlee),” ani Cone.
Kasama sa kinokonsidera si naturalized player Bennie Boatwright ngunit hindi pa sigurado kung may Philippine passport na sya sa umpisa ng torneo.
“So aside from that, it’s going to be Justin and an all-PBA (Philippine Basketball Association) team,” added Cone.
Mag-uumpisa ang pagsasanay ng Gilas ngayong Lunes bago lumipad sa South Korea sa Setyembre 3 para sa dalawang friendly games, pagkatapos ay derecho na sila sa Nagoya.


