May bagong usong termino sa mundo ng modernong pakikipag-date. Ang tawag dito ay “ghostlighting.” Pinaghalo nito ang dalawang kilalang ugali sa relasyon: ghosting at gaslighting.
Sa simpleng paliwanag, iniwan ka na nga sa ere, sinisi ka pa kung bakit nangyari iyon.
Ginagamit ang salitang ghostlighting para ilarawan ang sitwasyon kung saan biglang pinuputol ng isang tao ang komunikasyon, tapos babalik na para bang walang nangyari. Kapag kinompronta siya sa ginawa niya, ibinabalik sa biktima ang sisi. Halimbawa, biglang tumigil ang isang tao sa pag-text o pakikipag-usap. Walang ni ha, ni ho, minsan ilang araw, o kaya linggo. Tapos poof, babalik na para bang walang nangyari. Kapag tinanong kung bakit niya ginawa yun, sasabihin niya na ikaw ang dahilan kung bakit siya lumayo. Ang dating, ikaw pa ang mali.
Ang ghosting ay matagal nang kilala sa modern dating. Ito ang biglaang pagputol sa komunikasyon o pisikal na pagkawala ng isang tao – maaaring nanliligaw o lumalandi sa iyo – nang walang paliwanag. Walang goodbye, walang explanation. Bigla na lang hindi sumasagot sa chat o tawag. Ngunit sa ghostlighting, may dagdag na twist. Kapag bumalik ang taong nawala, sinasabi niyang ikaw ang nagdulot ng problema.
Ang ganitong asal ay itinuturing na isang uri ng emotional manipulation. Ang biktima ay napapaisip kung siya ba ang nagkamali, kahit ang totoo ay iniwasan lamang ng kabilang panig ang responsibilidad. Sa ganitong sitwasyon, nalilito ang taong iniwan kung ano ang tunay na nangyari.
May malalim na epekto sa emosyon ng biktima ang ghostlighting. Kapag paulit-ulit itong nangyari, nababawasan ang tiwala ng tao sa sarili. Nagsisimula siyang magduda kung tama ba ang kanyang naramdaman o kung siya nga ang nagkulang sa relasyon.
Ayon sa mga eksperto sa mental health, isang dahilan kung bakit nangyayari ang ghostlighting ay ang pag-iwas sa mahirap na usapan. Mas pinipili ng ibang tao na mawala na lamang kesa harapin ang isang diretsong pag-uusap tungkol sa relasyon. Kapag tinanong, ginagamit ang gaslighting para ilipat ang sisi sa kabilang panig.
Nagiging mas laganap ang ganitong asal dahil sa kultura ng online dating. Dahil sa apps at social media, mas madali para sa isang tao na i-cut off ang komunikasyon. Sa ganitong sitwasyon, nababawasan ang sense of accountability sa mga relasyon.
Ayon sa mga psychologist, may ilang senyales na dapat bantayan kung posibleng nangyayari na ang ghostlighting. Kabilang dito ang biglaang pagkawala ng komunikasyon, pagbabalik na may kasamang paninisi, at pagbaligtad sa kwento kung sino ang nagkamali sa relasyon.
Payo ng mga eksperto na mahalagang kilalanin ang ganitong uri ng asal para maprotektahan ang sariling emosyon. Ang malinaw na komunikasyon at pagrespeto sa damdamin ng bawat isa ang nananatiling mahalagang bahagi ng anumang relasyon, lalo na sa panahon ng modern dating kung saan mabilis mabuo at mabilis ding mawala ang koneksyon ng mga tao. /Bistado


