Nakikita ng OpenAI ang Pilipinas bilang posibleng major artificial intelligence (AI) deployment hub sa Southeast Asia dahil sa malakas na paggamit ng ChatGPT, malawak na digital talent pool at lumalaking interes ng mga negosyo sa teknolohiya.
Ayon kay Mark Jeffrey, OpenAI director of partnerships para sa Southeast Asia at Taiwan, kabilang ang Pilipinas sa 15 bansang may pinakamaraming ChatGPT users sa buong mundo.
“The Philippines is actually one of the clearest examples of adoption for us,” ani Jeffrey.
Halos 40 porsiyento umano ng messages na ipinadadala sa consumer platform ng OpenAI sa Pilipinas ay may kaugnayan sa trabaho. Kabilang sa pangunahing gamit nito ang writing, communication, education, learning at creative media.
Dahil marami nang Pilipino ang gumagamit ng ChatGPT, nakikita ng OpenAI na may lamang ang mga lokal na kumpanya habang lumilipat ang AI mula sa experimentation patungo sa mas malawak na workplace use.
“The next chapter is actually bringing that into the workplace for us, responsibly, securely,” ani Jeffrey.
Hindi lamang malalaking kumpanya ang target ng OpenAI. Nakikita rin nitong maaaring makatulong ang AI sa small and medium enterprises (SMEs) at microbusinesses upang mapataas ang productivity at maging mas competitive sa digital economy.
“It’s not just about the biggest brands in the Philippines,” ani Jeffrey. “It’s about every single organization, whether it be a large organization, an SMB, a mom-and-pop shop.”
Binigyang-diin niyang dapat gamitin ang AI bilang katuwang—hindi kapalit—ng human judgment. Sa pamamagitan nito, mas makapagpopokus umano ang mga empleyado sa creativity, pakikipag-ugnayan, decision-making at customer service.
Pinalalakas din ng OpenAI ang presensya nito sa bansa sa pamamagitan ng regional operations at local partnerships.
Para sa OpenAI, hindi lamang malaking user base ang bentahe ng bansa. Maaari rin itong maging strategic launchpad para sa mas malawak na paggamit ng AI sa Southeast Asia dahil sa talento, creativity at pagtanggap ng mga Pilipino sa bagong teknolohiya.
“The Philippines has extraordinary talent, digital energy, creativity and ambition,” ani Jeffrey. /Bistado


