Posibleng bumaba ang presyo ng plane tickets simula August 16 matapos ibaba ng Civil Aeronautics Board (CAB) sa Level 12 ang pinapayagang fuel surcharge para sa domestic at international flights.
Ipapatupad ang Level 12 mula August 16 hanggang 31, mula sa Level 13 na umiiral noong August 1 hanggang 15. Ginawa ang adjustment kasunod ng pagbaba ng jet fuel costs mula sa mataas na presyong naitala noong huling bahagi ng July.
Sa Level 12, maaaring maningil ang mga airline ng passenger fuel surcharge na ₱389 hanggang ₱1,137 para sa domestic flights, depende sa layo ng biyahe.
Para naman sa international routes, maaaring umabot sa ₱1,284.40 hanggang ₱9,550.13 ang surcharge.
Sa cargo shipments, pinapayagan ang ₱2 hanggang ₱5.85 kada kilo para sa domestic flights at ₱6.60 hanggang ₱49.09 kada kilo para sa international services.
Hindi awtomatikong katumbas ng kabuuang airfare ang mga halagang ito. Ang fuel surcharge ay hiwalay na singil na maaaring ipataw ng airline upang mabawi ang bahagi ng dagdag na gastos at pagkalugi dulot ng paggalaw ng presyo ng aviation fuel.
Nasa discretion ng mga airline kung maniningil sila nito. Gayunman, kailangan muna nilang magsumite ng application sa CAB bago magsimula ang applicable period at hindi sila maaaring lumampas sa itinakdang Level 12 rates.
Para sa fuel surcharge na sisingilin sa foreign currency, itinakda ng CAB ang conversion rate na ₱61.30 kada US dollar.
Pansamantalang gumagamit ngayon ang CAB ng 15-day review at adjustment cycle sa halip na dating isang buwang schedule. Sinuspinde muna sa ilalim ng hakbang ang ilang bahagi ng CAB Resolution No. 25, Series of 2022.
Mananatili ang mas maikling review period hanggang maging stable ang market conditions o hanggang baguhin o bawiin ng CAB ang patakaran. Layunin nitong mas mabilis na maibaba ang surcharge kapag bumababa ang fuel costs habang binibigyan pa rin ng proteksiyon ang airline operations laban sa biglaang price increases.
Kasabay ng inaasahang mas murang airfare, inanunsiyo ng Cebu Pacific ang pagbabalik ng direct international flights mula Davao City.
Ibabalik ang Davao-Hong Kong flights simula October 25 at ang Davao-Bangkok service sa pamamagitan ng Don Mueang Airport simula October 26.
Dadagdagan din ng airline ang domestic flights mula Davao patungong Siargao sa 10 biyahe kada linggo at patungong Iloilo sa 14 na biyahe kada linggo. /Bistado


