Asahan ang panibagong big-time oil price hike sa susunod na linggo, kung saan posibleng tumaas nang hanggang ₱4.25 kada litro ang diesel matapos ang dalawang sunod na linggong rollback.
Batay sa price movements hanggang Huwebes, tinaya ng Jetti Energy na tataas ng ₱3.75 hanggang ₱4.25 kada litro ang diesel. Posible namang sumipa ng ₱2.50 hanggang ₱3 kada litro ang gasolina.
Projection pa lamang ang mga halaga at maaari pang magbago bago ilabas ng mga oil company ang kanilang final price adjustments.
Ayon sa report na ipinadala sa mga mamamahayag nitong Biyernes, muling umakyat ang international oil prices dahil kumukupas ang pag-asang magkakaroon agad ng peace agreement sa pagitan ng United States at Iran.
Tumaas umano ang presyo “as optimism for a peace deal and near-term reopening of the Strait of Hormuz traffic faded, with markets becoming more skeptical as negotiations are now further complicated by competing demands for compensation over the five-month conflict.”
Nadagdagan din ang pressure sa presyo dahil sa limitadong oil supply mula sa Middle East Gulf at Black Sea at sa patuloy na pagbaba ng global inventories.
Natigil din umano ang diplomatic efforts para maibalik sa normal ang pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz. Kasabay nito, nananatiling limitado ang supply ng petroleum products dahil sa mga aberya sa refinery output.
Gayunman, maaaring mapigil umano ang mas malaking pagtaas dahil sa humihinang global demand at pagdami ng mga crude oil inventory sa United States. /Bistado


