Malapit nang mawala ang nagkalat na poste at overhead wires sa isang bahagi ng Lacson Street matapos umabot sa 85 porsiyento ang unang underground cabling project sa Bacolod City.
Pinangungunahan ng Negros Electric and Power Corp. (Negros Power) ang isang kilometrong Lacson Street Underground Distribution System Project, na sinusuportahan ng mga pangunahing telecommunications at internet companies.
“We have been working with the Negros Power and major telco and internet companies to transfer overhead cables to underground facilities. Soon, we will enjoy a safer, more reliable and better connection,” ani Bacolod City Lone District Rep. Alfredo Abelardo Benitez.
Kabilang sa mga katuwang sa proyekto ang Converge ICT Solutions, DITO Telecommunity, PLDT-Smart at Globe Telecom.
Itinulak ni Benitez ang underground cabling noong alkalde pa siya ng Bacolod mula 2022 hanggang 2025.
“With their solid partnership, we will be able to transfer overhead cables to underground facilities, starting with the full removal of utility posts along the one-kilometer stretch of Lacson Street seamlessly and with urgency,” dagdag niya.
Bukod sa paglilinis sa tanawin ng lungsod, inaasahang babawasan ng proyekto ang panganib ng pagkakuryente at poprotektahan ang power at communication lines laban sa pinsalang dulot ng masamang panahon.
Nag-groundbreaking ang kauna-unahang underground cabling project sa Bacolod noong November 2024, habang nagsimula ang trabaho noong January 2025.
Nagkakahalaga ito ng ₱79 milyon, kung saan ₱43 milyon ang inilaan para sa civil at electrical works. Ang natitirang ₱36 milyon ay para sa reconfiguration at pagtanggal ng overhead wires.
Bago bumaba sa puwesto bilang alkalde noong June 2025, nilagdaan ni Benitez ang ordinansang nagtatatag ng underground cabling program sa lungsod.
Inakda ni Vice Mayor Claudio Jesus Puentevella ang ordinansa, na nagtatakdang gawing priority program ng Bacolod ang pagtatayo ng underground facilities para sa lahat ng power at telecommunications networks na nag-ooperate sa lungsod. /Bistado


