Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

2027 proposed national budget, tadtad ng budget cuts

Tumaas sa rekord na ₱7.2 trilyon ang proposed national budget para sa 2027, pero sinabayan ito ng malalaking bawas sa health, education, housing, social welfare at agriculture, ayon sa pagsusuri ng ilang progresibong grupo.

Isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kongreso ang National Expenditure Program (NEP) nitong Martes, August 11. Mas mataas ito nang anim na porsiyento o ₱407 bilyon mula sa ₱6.793-trilyong 2026 budget at katumbas ng 21.7 porsiyento ng gross domestic product (GDP).

Sa kanyang Budget Message, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakatuon sa mamamayan at sa pangmatagalang pag-unlad ang panukala.

“This proposed budget reflects our unwavering commitment to building a resilient, inclusive, and prosperous nation. More than a financial plan, it is a strategic investment in the Filipino people and in our country’s future,” sabi ni Marcos.

Mula sa ₱11.690 trilyong pinagsama-samang hiling ng mga ahensiya, ₱7.2 trilyon ang isinama ng DBM. Ayon sa Pangulo, inatasan niya ang mga ahensiya na alisin ang hindi kailangan at inefficient na gastos.

“Throughout the budget preparation process, I directed all agencies to focus on measurable outcomes, align their proposals with our development agenda, eliminate unnecessary or inefficient expenditures, and ensure that every peso produces meaningful and lasting value,” aniya.

Pero sinabi ni IBON Foundation Executive Director Sonny Africa na kabaligtaran ng inilalarawan ng administrasyon ang nakita ng grupo sa mga datos. 

Lumaki umano ang debt service, infrastructure at military spending habang lumiit ang pondong inilaan sa mahahalagang social at economic services.

Batay sa pagsusuri ng IBON, lumaki nang ₱659.3 bilyon o 17.3 porsiyento ang kabuuang debt service at umabot sa ₱2.7 trilyon. Sakop nito ang interest payments at principal amortization.

Ayon naman kay Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) President Renato Reyes Jr., aabot sa ₱2.704 trilyon ang kabuuang debt servicing, mula sa ₱2.045 trilyon sa nakaraang taon. Katumbas ito ng 37.5 porsiyento ng buong proposed budget.

Sa interest payments pa lamang, ₱1.114 trilyon na ang inilaan. Mas malaki ito sa ₱976-bilyong proposed budget ng Department of Education (DepEd).

Kinumpirma sa President’s Budget Message na ₱1.143 trilyon ang inilaan sa sectoral classification na Debt Burden. Kabilang dito ang interest payments sa mga obligasyon at net lending sa mga government corporation. Nasa ₱1.114 trilyon naman ang financial expenses para sa interest at iba pang kaugnay na bayarin.

“The remaining Php 1.143 trillion will be allocated to Debt Burden, covering interest payments on outstanding obligations and net lending to government corporations, among others,” ayon sa President’s Budget Message.

Kasabay nito, lumaki nang ₱178 bilyon o 13.8 porsiyento ang infrastructure program at umabot sa ₱1.467 trilyon, ayon sa IBON. Nadagdagan naman nang ₱28.6 bilyon o 6.8 porsiyento ang domestic security spending sa ₱452.4 bilyon.

Sa ₱452.4 bilyong domestic security allocation, ₱316.7 bilyon ang para sa operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kabilang ang ₱50 bilyon para sa modernization program activities nito.

Sa panig ng social services, tinaya ng IBON ang ₱95.7-bilyong bawas o 21.9 porsiyento sa health sector, na magpapababa rito sa ₱362.7 bilyon.

Sa education sector, tinaya ng IBON ang ₱68.5-bilyong bawas o 5.3 porsiyento, kaya bababa sa halos ₱1.2 trilyon ang budget mula sa ₱1.345 trilyon ngayong 2026.

Sa basic education, ₱976 bilyon ang panukala para sa DepEd, mas mababa sa ₱1.015 trilyon nitong taon, ayon sa BAYAN.

Nagbabala rin ang National Union of Students of the Philippines (NUSP) na 49 sa 113 state universities and colleges (SUCs) ang nahaharap sa budget cuts.

Kabilang sa may pinakamalalaking percentage cut ang Mariano Marcos State University, Camiguin Polytechnic State College, Leyte Normal University, Biliran Province State University, Philippine Normal University at J.H. Cerilles State College. Mababawasan din ang panukalang pondo ng University of the Philippines System at Polytechnic University of the Philippines, ayon sa grupo.

“Hindi na dapat ipinagpapalimos ng mga kabataang Pilipino ang sapat at mataas na pondo para sa ating kinabukasan,” pahayag ng NUSP.

Sa iba pang sektor, tinaya ng IBON ang ₱3.95-bilyong bawas o 37 porsiyento sa housing, na mag-iiwan ng ₱6.7 bilyon. Gumamit naman ang BAYAN ng mas makitid na combined housing-agency allocation na ₱5.5 bilyon, malayo sa ₱60 bilyong hiniling ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

Ayon din sa IBON, nabawasan nang ₱26.5 bilyon o 7.6 porsiyento ang social welfare at bumaba sa ₱323.5 bilyon.

Ang agriculture at agrarian reform ay nabawasan naman din nang ₱36.6 bilyon o 11.7 porsiyento at bumaba sa ₱276.6 bilyon.

Hindi pa pinal ang mga halaga sa NEP. Dadaan pa ang panukala sa deliberasyon at posibleng pagbabago sa House of Representatives at Senado bago maging General Appropriations Bill at lagdaan bilang 2027 national budget. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles