Tapos na ang kampanya ni Alex Eala sa National Bank Open sa Toronto, Canada matapos siyang matalo sa No. 12 seed na si Belinda Bencic, 4-6, 0-6, sa fourth round nitong Lunes (oras sa Pilipinas).
Si Bencic ng Switzerland, na nagwagi sa torneo noong 2015, ay umabante sa quarterfinals kung saan makakaharap niya ang No. 4 seed na si Coco Gauff ng Amerika, na tinalo si Alina Korneeva ng Russia, 6-3, 6-1.
Si Eala, na umabot sa career-best No. 20 sa WTA singles ranking matapos manalo sa Mubadala DC Open noong nakaraang linggo, ay unang tinalo ang mga Amerikanang sina Alycia Parks, 6-1, 4-6, 6-2, at Cathy Mcnally, 6-3, 5-7, 6-4.
Sa unang paghaharap ng dalawang manlalaro sa WTA Tour, nakontrol ni Bencic ang ika-siyam na game ng opening set nang ma-break niya ang serve bago mag-hold upang isara ang set sa 6-4.
Pagkatapos, tuluyan nyang nilampaso si Eala sa second set nang hindi ito pinayagang manalo ng kahit isang game, upang makumpleto ang panalo sa loob ng isang oras at 13 minuto.
Ang panalo ang ika-18 ni Bencic sa kanyang career sa National Bank Open — ang pinakamarami niyang naitala sa alinmang WTA 1000 event.
Iyon din ang kanyang ika-10 sunod na panalo laban sa isang left-handed player, na nagsimula noong 2024 — isang estadistika na ikinagulat mismo ni Bencic.
Samantala, parehong natanggal sa WTA 1000 event ang top seed na si Aryna Sabalenka ng Belarus at third seed na si Jessica Pegula ng Amerika.
Natalo ang world No. 1 na si Sabalenka sa 19th seed na si Ekaterina Alexandreva ng Russia, 6-7 (2), 6-4, 4-6, habang natalo naman si Pegula sa 15th seed na si Diana Shnaider ng Russia, 3-6, 3-6.
Sa susunod na round, makakaharap ni Alexandreva ang Ukrainian No. 9 seed na si Elina Svitolina, na tinalo ang American No. 8 seed na si Amanda Anisimova, 6-2, 6-4.
Si Shnaider naman ay makakaharap ang Polish No. 7 na si Iga Swiatek, na nanaig laban sa Ukrainian No. 10 na si Marta Kostyuk, 3-6, 6-1, 6-2.
Ang second seed na si Elena Rybakina ng Kazakhstan ay nakaligtas laban kay Liudmila Samsonova ng Russia, 6-4, 4-6, 6-4, upang umabante at makaharap ang Japanese No. 11 seed na si Naomi Osaka, na nagtala ng 6-4, 6-4 na panalo laban sa Canadian No. 30 na si Leylah Fernandez.


