Walang face-to-face classes ngayong Lunes, August 10, sa National Capital Region (NCR) at 15 lalawigan dahil sa patuloy na malalakas na ulang dala ng Habagat.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 123, inatasan ng Malacañang ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa mga apektadong lugar na lumipat sa online classes o iba pang alternative learning modes.
Work-from-home arrangement naman ang ipatutupad sa government offices sa mga sumusunod na lugar:
-National Capital Region
-Abra
-Bataan
-Batangas
-Benguet
-Bulacan
-Cavite
-Ilocos Sur
-La Union
-Occidental Mindoro
-Oriental Mindoro
-Pampanga
-Pangasinan
-Rizal
-Tarlac
-Zambales
Inilabas ng Palasyo ang kautusan sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dahil sa inaasahang tuloy-tuloy na malakas na ulan.
Hindi saklaw ng work-from-home arrangement ang mga ahensiyang naghahatid ng basic at health services, disaster response at iba pang vital services. Inatasan ang mga ito na ipagpatuloy ang operasyon.
Maaari ring magpatupad ang mga local chief executive ng localized suspension ng klase at government work sa ibang lugar batay sa umiiral na mga patakaran.
Para naman sa private companies at offices, nasa mga pinuno nila ang desisyon kung magsususpinde ng trabaho o magpapatupad ng alternative work arrangement.
Nagbabala ang Pagasa sa posibleng flash floods at landslides dahil basang-basa na ang lupa kasunod ng ilang araw na pag-ulan.
Mahigit 200 millimeters ng ulan ang posibleng bumagsak sa Benguet ngayong Lunes. Inaasahan naman ang 100 hanggang 200 mm sa Zambales, Bataan at Occidental Mindoro, habang 50 hanggang 100 mm ang maaaring matanggap ng Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon.
Posibleng mas malakas ang ulan sa matataas at bulubunduking lugar. Inaasahang unti-unting hihina ang monsoon rains simula Martes, ngunit maaari pa ring magpatuloy ang banta ng pagbaha at landslides sa ilang lugar. /Bistado


