Halos P33.5 milyon ang posibleng mapasok sa kaban ng bayan mula sa negotiated sale ng mga abandonado at kinumpiskang kalakal, kabilang ang isang Ferrari at dalawa pang mamahaling sasakyan, ayon sa Bureau of Customs (BOC).
Sinabi ng BOC na pito sa 13 sale lots ang nakatanggap ng katanggap-tanggap na alok sa public auction na isinagawa noong July 30.
Pinakamalaki ang P30.1-milyong alok para sa isang 2024 Ferrari SF90 Stradale na may Mansory modification.
Kasama rin sa mga nabentang sasakyan ang isang 2018 Lexus LX570 sa halagang P2 milyon, isang 2012 Nissan Murano sa P115,000 at isang Hyundai Grand Starex GL sa P110,000.
Nakatanggap din ng mga alok ang premium at regular gasoline na nagkakahalaga ng P200,000, flat glass na P352,000 at 35 pakete ng steel wire na P352,000.
Ayon sa BOC, layunin ng pagbebenta na matiyak ang legal, malinaw at episyenteng disposisyon ng mga abandonado at forfeited goods alinsunod sa umiiral na customs laws, rules and regulations.
Hindi pa tuluyang makokolekta ng pamahalaan ang P33,499,000 dahil kailangan munang aprubahan ng Secretary of Finance ang negotiated sale, alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act.
Kapag naaprubahan, direktang ipapadala ang buong proceeds sa Bureau of the Treasury.
Sinabi ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na patunay ang matagumpay na disposal sa hangarin ng ahensiya na palakasin ang transparency at pagiging episyente sa pamamahala.
“I congratulate everyone who contributed to the success of this negotiated sale, and many thanks, as well, to our offerors. We will continue to strengthen our processes to further improve our service and deliver greater benefits to the government and the Filipino people,” aniya. /Bistado


