Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

PROSECUTOR RIDON KAY VP SARA SA CONFIDENTIAL FUNDS: ‘HUWAG TAYONG MAGBOLAHAN DITO’

Hindi umano maaaring ituro lamang ni Vice President Sara Duterte ang mga special disbursing officer na nag-encash at humawak ng confidential funds upang makaiwas sa pananagutan, ayon kay Bicol Saro Rep. at House prosecutor Terry Ridon.

Sa Saturday News Forum sa Quezon City, sinabi ni Ridon na mahalaga sa Article I ng impeachment case ang pag-apruba, pangangasiwa at mga sertipikasyong ginawa ng bise presidente bilang pinuno ng Office of the Vice President at dating kalihim ng Department of Education.

“Hindi natin puwedeng iiwas ang Pangalawang Pangulo sa pananagutan sa paggamit ng pera,” Ridon said.

Naunang tumestigo si dating Commission on Audit Intelligence and Confidential Funds Audit Office auditor Roderick Wamil na tungkulin ng agency head ang pag-apruba sa cash advances, pangangasiwa sa paggamit ng confidential funds at pagtiyak na nasusunod ang Joint Circular No. 2015-01.

Kinilala rin ni Wamil ang mga pirma umano ni Duterte sa physical and financial plans, disbursement vouchers, accomplishment reports at certifications para sa confidential funds ng OVP at DepEd.

“Kailangan po ng pirma ng head of agency. Walang lalabas na pera, walang cheque na mai-issue pag wala ang pirma ng head of agency,” Ridon said.

“Nakatali ang Pangalawang Pangulo doon, kasi malinaw na may pirma sa pinakadulo ang Pangalawang Pangulo,” he added.

Tinukoy ni Ridon sina OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta at DepEd Special Disbursing Officer Edward Fajarda. Ayon sa testimonya ng mga dating opisyal ng LandBank, nag-encash si Acosta ng apat na tsek na tig-₱125 milyon o kabuuang ₱500 milyon. Tatlong tsek naman na tig-₱37.5 milyon, o kabuuang ₱112.5 milyon, ang ini-encash umano ni Fajarda para sa DepEd.

“I do not think these particular personalities can, in fact, be able to dispense or disburse confidential funds without the final authority from the VP,” Ridon said.

Giit niya, mga implementing personnel lamang sina Acosta at Fajarda at hindi sila dapat mag-isang managot sa mga transaksiyong inaprubahan at iniulat sa pamamagitan ng mga dokumentong may pirma ng agency head.

“Let us not kid ourselves. Huwag tayong magbolahan dito na puwedeng ikulong lang, puwedeng ilaglag lang ’yung mga ordinaryong kawani, at hindi papanagutin ’yung pinakatuktok, ’yung hepe ng particular na opisina ng OVP,” Ridon said.

Saklaw ng Article I ang alegasyong maling paggamit, misappropriation at irregular liquidation ng ₱612.5 milyong confidential funds. Itinanggi ni Duterte ang anumang paglabag.

Ang mga dokumento at testimonya ay bahagi pa lamang ng kaso ng prosekusyon. Senado bilang Impeachment Court ang magpapasya kung sapat ang mga ito upang patunayan ang maling paggamit o personal na pananagutan. Hindi pa nakapaghaharap ng ebidensiya ang depensa dahil hindi pa tapos ang presentasyon ng prosekusyon. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles