Kinumpirma ni Senador Loren Legarda na naghain siya ng formal medical leave sa Senado para sa August 3 hanggang 5, kasabay ng paglilinaw na hindi dapat iugnay ang kanyang pagbiyahe sa mga paratang laban sa kanya.
“I confirm that I filed a formal medical leave with the Senate covering August 3 to 5, 2026,” pahayag ni Legarda.
Ayon kay Senate Secretary Renato Bantug Jr., nagpadala ng liham ang chief of staff ng senador noong August 3 upang ipaalam ang kanyang medical leave, alinsunod sa mga patakaran ng Senado.
Hiniling ni Legarda sa publiko na huwag gumawa ng mga konklusyon tungkol sa kanyang biyahe o iugnay ito sa mga alegasyong mariin niyang itinatanggi.
“I ask the public not to draw unwarranted conclusions from my travel or link it to the recent false and baseless allegations, which undeservedly besmirch a reputation that I have built over decades of public service,” ani Legarda.
Kinumpirma naman ng Bureau of Immigration (BI) na umalis ng Pilipinas sa magkahiwalay na flight noong Linggo, August 2, sina Legarda at anak niyang si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste.
“The office confirms the departure of Sen. Loren Legarda and Rep. Leandro Leviste in separate flights last August 2. Both had no derogatory records at the time of departure,” ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval.
“Separate flights, one at dawn and one in the evening,” dagdag niya.
Hindi nagbigay ang BI ng detalye tungkol sa kanilang destinasyon o nakatakdang pagbabalik. Ayon naman kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, nagtungo si Leviste sa Hong Kong, habang dumaan din doon si Legarda bago tumuloy sa France.
Nasa preliminary investigation ng Office of the Ombudsman sina Legarda, Leviste at dating Energy Secretary Alfonso Cusi kaugnay ng umano’y graft at plunder sa sinasabing “ghost” solar projects na nagkakahalaga ng mahigit P10 bilyon. Ang preliminary investigation ay hindi pinal na paghatol o finding of guilt.
Nauna nang itinanggi ni Legarda ang mga paratang, na tinawag niyang “utterly false and baseless.” /Bistado


