Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

‘Maleta Boys’ nagkabiyak: 4 bumawi, 10 arestado sa perjury case

Lalong gumulo ang kontrobersiya sa tinaguriang “Maleta Boys” matapos bawiin ng apat na miyembro ang kanilang mga alegasyon habang 10 sa kanilang dating kasamahan ang naaresto dahil hindi agad nakapagpiyansa sa kasong perjury.

Ang grupo ay binubuo ng 18 lalaking nagpakilalang dating bodyguards ni former Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co. Inakusahan nila noon ang ilang opisyal ng pamahalaan na tumanggap umano ng mga maletang puno ng pera kaugnay ng flood control kickbacks.

Sa mga bagong notarized affidavit, binawi ng apat ang lahat ng pahayag na nag-uugnay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez at iba pang personalidad sa umano’y bribery at cash deliveries.

Inangkin ng apat na hindi nila inihanda ang kanilang original affidavits at inutusan lamang silang lumagda sa mga dokumentong nakahanda na bago isumite sa Office of the Ombudsman. Sinabi rin nilang pinangakuan sila umano ng malaking halaga at seguridad, ngunit binantaan ng countercharges kapag tumanggi.

Ayon kay Rosebert Macasasa Waupan, pinangakuan umano silang bibigyan ng sapat na pera para suportahan ang kanilang pamilya sa loob ng dalawang taon. 

Apat na miyembro umano ang gumugol ng dalawang buwan bago bumawi dahil sa pangamba sa kaligtasan ng kanilang pamilya. Sinabi rin nilang may ilan pa sa natitirang 14 na nag-iisip na magsumite ng sariling retraction.

Para kay House prosecution adviser at spokesperson Ace Barbers, patunay ang pagbawi na ginamit lamang ang grupo sa isang smear campaign.

“Their recantations clearly show that someone prepared a script and used them to spread false allegations against senior government officials and members of the House prosecution panel,” ani Barbers.

Hinamon niya ang apat na pangalanan ang mga taong umano’y nagdikta sa kanila at maglabas ng ebidensya.

“Ito ang pakiusap natin sa apat na ito, dapat siguro mas maging matapang pa kayo. Pangalanan n’yo sino ‘yung mga ‘yan,” ani Barbers.

Iba naman ang bersiyon ng natitirang miyembro ng grupo. Sinabi ni Walter Manalansan, isa sa 10 naaresto, na inalok umano sila ng P20 milyon hanggang P25 milyon upang bumawi, ngunit hindi niya tinukoy kung sino ang nag-alok.

“Inofferan po kami, malaking halaga po, para bumaligtad,” ani Manalansan. “Apat ang pumatos sa malaking halaga na ‘yun. Kami dahil may prinsipyo kami ipaglalaban namin ito para sa bayan. Nasa katotohanan po kami.”

“Sumama po kami kay Atty. Baligod kasi naniniwala po kami sa kanya. Yung sinasabi nilang ipinangako niya, hindi po totoo yun,” dagdag niya.

Kinumpirma ng kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod ang retraction ng apat, ngunit itinanggi niyang binayaran o pinangakuan niya ang grupo kapalit ng kanilang affidavits.

Sa 14 na hindi bumawi, 13 ang nagtungo sa Las Piñas Regional Trial Court (RTC) Branch 202 noong Biyernes, August 7, upang magpiyansa. Nasa probinsya ang isa dahil sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay.

Sina Rommel Bobares, Johnny Buduan at Rodante Orbillio lamang ang nakumpleto ang proseso bago magsara ang bank transactions bandang 3 p.m. Inaresto ang natitirang 10 at dinala sa Las Piñas police headquarters.

Sumailalim sila sa medical examination sa Las Piñas District Hospital bandang 9 p.m. bago dinala sa police custodial facility.

Ayon kay Baligod, P18,000 ang recommended bail sa bawat isa sa apat na perjury counts. Tinangka niyang magproseso ng piyansa sa ibang lungsod, ngunit walang available na RTC night court sa Makati, Pasay at Manila.

“Wala na palang night court na court. Sa Pasay, MTC lang ang available so mababang jurisdiction. Yung RTC, wala na,” ani Baligod.

Pagsapit ng 1 a.m. nitong Sabado, nanatili sa kustodiya ang 10 habang hinihintay ang muling pagbubukas ng bail processing.

Sinabi naman ni Palace Press Officer Claire Castro na inilantad ng mga retraction ang umano’y paraan ng ilang Duterte supporters sa pagpapakalat ng gawa-gawang alegasyon laban sa Pangulo.

“Nakikita naman natin ang style ng mga Duterte supporters kung paano sila mag-hire ng mga tao na gumawa ng kathang-isip na kwento kapalit ang malaking halaga laban sa Pangulo,” ani Castro. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles