Mula sa simpleng lockdown hobby, maaari nang maging certified urban farmers ang mga plantito at plantita sa ilalim ng bagong programa ng pamahalaan.
Lumagda ang Department of Agriculture (DA) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa limang taong partnership upang gawing technical vocation ang urban at peri-urban agriculture.
Layunin nitong magsanay at magkaloob ng certification sa urban agriculture practitioners, trainers, assessors at agricultural educators. Inaasahang makatutulong din ang programa sa food security, kabuhayan at climate resilience.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na nabuo ang programa mula sa likas na pagkahilig ng mga Pilipino sa pagtatanim, na lalong nakita noong COVID-19 pandemic nang gawing gulayan ang mga rooftop, balkonahe at bakanteng lote.
“Naniniwala ako na ang mga Pilipino ay mayroong natatangi at espesyal na katangian. Bibigyan tayo ng maliit na piraso ng lupa, rooftop , o kaya ay balkonahe at ilang recycled na containers, at hindi katagalan ay magiging isang mayabong na garden,” ani Tiu Laurel.
“Likas sa atin ang mapag-alaga. Ngayon, ang ating tungkulin ay iangkop ang likas na hilig sa kaalaman, kakayahan at oportunidad” dagdag niya.
Sentro ng partnership ang pagbuo ng Urban Agriculture Production National Certificate II (NC II), na magtatakda ng national skills standards, training regulations, curricula at assessment tools.
Ayon kay TESDA Secretary Kiko Benitez, kabilang ang agrikultura sa limang sektor na tumatanggap ng pinakamaraming scholarship mula sa ahensiya.
“Ang TESDA ay palaging namumuhunan sa agrikultura, at kabilang sa pangunahing limang sektor kung saan pinaglalaanan namin ng pinakamaraming scholarships. Sa pamamagitan ng kolaborasyon sa DA, mas lalong pinalakas ang serbisyo ng TESDA na magpapahusay sa mga Pilipino para makapasok sa urban farming, lilikha ng kabuhayan mula dito, at higit sa lahat ay makapag-ambag sa ekonomiya,” ani Benitez.
Gagawing flagship Urban Agriculture Technology Demonstration and Training Center ang TESDA Complex sa Taguig. Magtatayo rin ng learning hubs sa regional training centers, DA facilities at piling urban farms.
Ituturo rito ang hydroponics, vertical farming, protected cultivation, container gardening, composting at iba pang climate-smart systems. Kasama rin sa training ang food safety, biosafety, phytosanitary standards at good agricultural practices.
Maaaring magtayo ng microenterprise, magsanay ng ibang komunidad o magtrabaho sa agriculture-related industries ang mga certified graduate.
“Ang pagkahilig ay maaaring magtanim ng unang binhi, ngunit ang mga kakayahan at pagsasanay ang tutulong para magkaugat, umunlad at magpabago ng buhay,” ani Tiu Laurel. /Bistado


