Umangat ng 2.9 porsiyento ang halaga ng agricultural at fisheries production sa ikalawang quarter ng 2026, kasabay ng paglago sa lahat ng pangunahing subsektor.
Batay sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Huwebes, umabot sa P452.22 bilyon ang halaga ng produksiyon mula April hanggang June, gamit ang constant 2018 prices.
“Ipinakikita ng malakas na pagganap sa ikalawang quarter na ang agenda ng Marcos administration para sa modernisasyon ng agrikultura ay nagbubunga ng mga resulta kung saan ito pinakamahalaga—sa ating mga sakahan at sa mga komunidad sa kanayunan,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
“Ang mas mataas na produktibidad ay isinasalin sa mas magandang kita para sa mga magsasaka at mangingisda, habang pinatatatag ang sektor na nagbibigay ng kabuhayan sa halos apat sa bawat sampung Pilipino at nagpapasigla sa paglago sa buong kanayunan.”
Ayon kay Tiu Laurel, makatutulong ang paglago bilang panangga sa posibleng epekto ng El Niño sa ikaapat na quarter.
“Ang mga tagumpay na ito ay nagbibigay sa atin ng mas matibay na panangga laban sa inaasahang paghina ng produksiyon dulot ng El Niño sa ikaapat na quarter. Hindi natin kayang kontrolin ang panahon, ngunit kaya nating bigyan ng kakayahan ang ating mga magsasaka na malampasan ito sa pamamagitan ng irigasyon, mekanisasyon, mga teknolohiyang angkop sa klima, de-kalidad na binhi, post harvest facilities, at mas mahusay na access sa pamilihan,” dagdag ng kalihim.
Pinakamalaki pa rin ang ambag ng crop production sa P248.90 bilyon, katumbas ng 55 porsiyento ng kabuuang agricultural production. Lumago ito ng 1.6 porsiyento, bunsod ng 5.7 porsiyentong pagtaas sa palay at 0.8 porsiyento sa mais.
Umabot naman sa P61.83 bilyon ang livestock production matapos lumago ng 3.6 porsiyento. Kabilang dito ang 5.6 porsiyentong pagtaas sa produksiyon ng baboy habang patuloy na bumabangon ang industriya mula sa African swine fever.
Pinakamabilis ang paglago ng poultry sa 6.3 porsiyento, kaya umabot sa P79.84 bilyon ang halaga nito. Tumaas din ng 2.7 porsiyento ang fisheries production sa P61.64 bilyon.
Inaasahan ng Department of Agriculture na makatutulong sa paglago sa mga susunod na quarter ang pagbubukas ng mga bagong export market at pagpapalawak ng agricultural exports. /Bistado


