Tinatayang P700 milyong halaga ng pekeng sapatos ang nasabat ng Philippine National Police (PNP) sa isang Chinese-owned warehouse sa Barangay Alapan II-A, Imus City, Cavite noong August 3.
Pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group–Cavite Provincial Field Unit ang operasyon katuwang ang CIDG Regional Field Unit 4A, Bureau of Customs (BOC), Philippine Coast Guard at iba pang law enforcement units.
Bilang deputized personnel ng BOC, ipinatupad ng mga operatiba ang Mission Order at Letter of Authority na nagpapahintulot sa inspeksiyon ng warehouse.
Tumambad sa loob ng pasilidad ang mga pekeng sapatos na may tatak ng mga kilalang international brand. Aabot sa humigit-kumulang P700 milyon ang paunang tantiya sa market value ng mga nakumpiskang produkto.
Nag-ugat ang operasyon sa beripikadong intelligence information na ginagamit umano ang warehouse sa packaging, pag-iimbak at pagbebenta ng mga ilegal at substandard na sapatos.
Nakatakas naman ang Chinese owner ng pasilidad at patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Nahaharap ang may-ari sa kasong estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code kaugnay ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Isinailalim sa dokumentasyon ang lahat ng nasamsam na produkto bago ipinasa sa Bureau of Customs para sa wastong kustodiya at disposisyon. /Bistado


