Mahigit P15.3 milyong halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes ang nasabat ng Philippine National Police sa isang operasyon sa Davao City.
Arestado sa operasyon ang 35-anyos na lalaking kinilala lamang sa alyas na “Prin.”
Isinagawa ang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group katuwang ang Bureau of Internal Revenue Region XI at mga lokal na yunit ng pulisya bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan laban sa illegal trade at economic crimes.
Narekober ng mga awtoridad ang daan-daang master case at ream ng mga sigarilyong pinaniniwalaang naipasok sa bansa nang walang kinakailangang clearance at tax markings mula sa pamahalaan.
Sa paunang imbestigasyon, wala umano sa mga nasamsam na produkto ang mandatory Graphic Health Warnings at BIR Excise Tax Stamps.
Wala rin umanong maipakitang kinakailangang import clearance mula sa National Tobacco Administration para sa mga produktong tabako.
Patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang mga nakumpiskang sigarilyo kaugnay ng posibleng paglabag sa umiiral na mga batas. /Bistado


