Umabot sa mahigit P22 milyon ang halaga ng mga ilegal na drogang nasabat at winasak sa magkakahiwalay na operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa noong July 31.
Ayon sa PNP, P22,068,800 ang pinagsamang standard drug price ng mga nakumpiskang hinihinalang shabu at winasak na mga tanim na marijuana. Isang high-value drug suspect din ang naaresto.
Pinakamalaking operasyon ang isinagawa sa Barangay Loccong at Barangay Buscalan sa Tinglayan, Kalinga.
Sa magkahiwalay na marijuana eradication operations ng PNP at iba pang ahensya ng pamahalaan, natuklasan at binunot ang tinatayang 94,500 fully grown marijuana plants na nagkakahalaga umano ng P18.9 milyon.
Sinira sa mismong lugar ang mga halaman upang hindi na makarating sa ilegal na merkado. Wala namang nahuling nagtanim o nag-aalaga sa mga ito.
Samantala, isang lalaking itinuturing na high-value drug suspect ang naaresto sa buy-bust operation sa Barangay Lilod Baklayan, Ditsaan Ramain, Lanao del Sur.
Nasamsam sa operasyon ang tinatayang 466 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P3,168,800.
Nagkaroon naman ng armadong engkuwentro sa pagitan ng mga pulis at isang kasamahan umano ng target na nakilala lamang sa alyas na “Alnor.”
Nagtamo ng mga tama ng bala ang suspek at isinugod sa isang pagamutan, ngunit idineklara itong dead on arrival. /Bistado


