Inilunsad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Philippine Payments Management Inc. (PPMI) ang tatlong bagong digital payment service upang gawing mas madali, mabilis at accessible ang mga transaksiyon ng mga Pilipino.
Ipinakilala sa BSP Head Office noong July 29 ang Direct Debit PH, InstaPay Cash-In at InstaPay for Business.
“Interoperability and lower fees do more than lift transactions. They bring in more people. This is what financial inclusion looks like. More Filipinos sending and receiving money digitally. More Filipinos making the network stronger for everyone already on it,” ani BSP Governor Eli M. Remolona Jr.
Sa Direct Debit PH, maaaring bigyan ng awtorisasyon ng customer ang biller na awtomatikong kumuha ng bayad mula sa kanyang account sa itinakdang due date.
Sa InstaPay Cash-In naman, maaaring magpadala ang isang user ng fund request sa ibang user. Kapag tinanggap ang request, maaaring ipadala ang pera gamit ang kanilang bank o e-wallet accounts.
Itinaas naman ng InstaPay for Business nang sampung beses ang maximum transfer limit para sa registered businesses—mula P50,000 tungo sa P500,000.
“This launch reaffirms the BSP’s commitment to build a payment system for every Filipino, and every Filipino business, no exceptions. This started with the National Retail Payment System Framework, which is the blueprint for a safer, faster, and more reliable and interoperable payment system,” ani BSP Deputy Governor Mamerto E. Tangonan.
Ang PPMI ay isang Payment System Management Body na kinikilala ng BSP. Pinangangasiwaan at nire-regulate nito ang retail payment systems sa bansa at tumutulong sa pagbuo at pagpapanatili ng mabilis, ligtas at interoperable transactions ng mga bangko at non-bank financial institutions.
Nilinaw din ng BSP at PPMI na noong 2024 pa hinati ang dating QR Ph sa QR Ph at InstaPay QR.
Ang “QR Ph” ay para sa person-to-merchant payments, kung saan merchant ang sumasagot sa transaction fees. Para naman sa person-to-person fund transfers ang “InstaPay QR,” na maaaring may bayad depende sa account na ginamit.
Bahagi ang launching ceremony ng isang buwang pagdiriwang ng ika-33 anibersaryo ng BSP at dinaluhan ng mga stakeholder at partner mula sa payments industry. /Bistado


