Pumasok ang Japanese utility na Kansai Electric Power Co. sa 600-megawatt Wawa Pumped Storage Hydropower Project sa Rizal, kasabay ng lumalaking pangangailangan sa energy storage para mapatatag ang power grid ng Pilipinas.
Lumagda ang Kansai Electric sa mga kasunduan upang makuha ang 14 porsiyentong equity interest sa PMJVCo Holdings Inc., subsidiary ng Prime Infrastructure Capital Inc.
Kontrolado ng PMJVCo ang Olympia Violago Water & Power Inc. (OVWPI), ang developer ng Wawa project.
Ito ang unang pumped-storage hydropower investment ng Kansai Electric sa labas ng Japan, kasabay ng pagdami ng solar at wind capacity sa Pilipinas.
Matapos ang transaksiyon, mananatiling pag-aari ng Prime Hydropower Energy Inc. ang 86 porsiyento ng PMJVCo.
Ang Prime Hydropower Energy ay one-third owned ng First Gen Corp. sa pamamagitan ng FGEN Aqua Power Holdings Inc.
Target makumpleto ang Wawa facility sa 2030. Magkakaroon ito ng maximum generating capacity na 600 MW at kayang mag-imbak ng hanggang 6,000 megawatt-hours ng enerhiya bawat araw.
Sa pumped-storage system, maaaring gamitin ang sobrang kuryente kapag mababa ang demand upang mag-imbak ng enerhiya. Ilalabas naman ang kuryente sa grid kapag mataas ang konsumo.
Inaasahang makatutulong ang pasilidad upang mapatatag ang suplay at maisama sa grid ang mas maraming renewable energy source na pabago-bago ang produksiyon, gaya ng solar at wind power.
Itinalaga ng Department of Energy ang Wawa project bilang Energy Project of National Significance dahil sa inaasahang papel nito sa pangmatagalang seguridad sa enerhiya ng bansa.
Dahil sa investment, aangat sa humigit-kumulang 2,500 MW ang attributable capacity ng overseas generation portfolio ng Kansai Electric. Magkakaroon din ang Japanese utility ng strategic foothold sa lumalagong power market ng Southeast Asia.
Ipinapakita ng transaksiyon na bukod sa renewable power generation, lumalawak na rin ang pamumuhunan sa storage infrastructure na kailangan upang maging maaasahan ang malinis na enerhiya anumang oras.
Para sa Pilipinas, mahalaga ang mga proyektong tulad ng Wawa sa pagbabalanse ng grid at pagbabawas ng pagdepende sa fossil fuels nang hindi isinasakripisyo ang pagiging maaasahan ng suplay ng kuryente. /Bistado


