Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DA: Origin-based branding palalakasin para sumirit ang agri-fishery exports

Binibilisan ng Department of Agriculture (DA) ang pagbibigay ng geographical indication (GI) protection sa mga kilalang produktong agrikultural at pangisdaan ng Pilipinas upang mapataas ang kanilang halaga at palakasin ang exports.

Nilagdaan ng DA at Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) nitong Miyerkules ang Memorandum of Understanding na nag-a-update sa kanilang kasunduan noong 2018.

Layunin nitong ilagay ang GI sa sentro ng pagsusulong ng administrasyong Marcos para sa mas competitive, value-added at export-oriented na agri-fishery sector.

Kung corporate brand ang nalilikha ng trademark, origin-based brand naman ang itinatatag ng GI. Kabilang sa mga kilalang halimbawa ang Champagne ng France, Scotch Whisky ng Scotland, Parmigiano Reggiano ng Italy at Kobe Beef ng Japan.

Nakakakuha ang mga ito ng premium na presyo dahil iniuugnay ng mga mamimili ang pangalan sa partikular na lugar, tradisyon at kalidad.

Kabilang sa mga prayoridad para sa GI protection ang Cordillera Heirloom Rice, Davao Pomelo, Zambales Mangoes, Davao Cacao, Davao Durian, Bonuan Bangus, Quezon Lambanog, Camarines Norte Queen Pineapple at Oriental Mindoro Calamansi.

Naihain na rin sa IPOPHL ang aplikasyon para sa GI registration ng Bohol Ubi Kinampay.

“Sa mga nakalipas na mga henerasyon,  pinangalagaan ng ating  mga magsasaka, mangingisda at mga katutubong komunidad ang kanilang mga produktong ang kalidad at pagkakilala ay  malalim na nakaugat sa kanilang  lugar na pinagmulan. Sa pamamagitan ng geographical indications, mapoprotektahan natin ang mga  kakaibang produktong ito,  mapangalagaan ang kanilang  pagiging tunay, mapahusay ang tiwala ng mga consumer at makalikha ng  mas malaking oportunidad  para sa ating mga komunidad ng mangingisda at magsasaka,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Sa ilalim ng kasunduan, bubuo ang dalawang ahensiya ng joint technical working group na maghahanda ng national GI roadmap.

Palalakasin din nito ang producer organizations, certification at traceability systems, at tutulungan ang mga lokal na produkto na makapasok sa premium domestic at export markets.

Naging mas mahalaga ang hakbang matapos manawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address na pataasin ang halaga ng Philippine agriculture at tukuyin ang ube bilang produktong may malaking export potential.

Sa pagprotekta sa pinagmulan ng mga produkto, target ng gobyerno na mas malaking bahagi ng kanilang halaga ang mapunta sa mga magsasaka, mangingisda at komunidad na lumikha sa mga ito. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles