Tututukan ng Department of Energy (DOE) ang mga illegal connection at pagnanakaw ng kuryente habang isinusulong ng gobyerno ang pag-aalis ng system loss charges sa electric bills.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, maaaring kumilos agad ang mga distribution utility at electric cooperative laban sa non-technical system losses kahit abutin pa ng hindi bababa sa isang taon ang kinakailangang pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act.
Pangunahing nagmumula ang non-technical losses sa nakaw-kuryente, illegal connection at pakikialam sa mga metro.
Para kay Energy Undersecretary Rowena Cristina Guevara, maaaring mabawasan sa maikling panahon ang ganitong uri ng system loss kung matutukoy ng mga distributor ang mga hindi nagbabayad na consumer at tampered meter.
Mas mahirap namang tugunan ang technical losses o ang natural na pagkawala ng bahagi ng kuryente habang dumadaloy ito sa mga linya at iba pang grid infrastructure.
Kakailanganin dito ang malalaking puhunan para sa modernisasyon at mas mabilis na regulatory approval sa mga proyektong mag-a-upgrade ng power distribution system.
Target ng DOE na gamitin ang pinagsamang hakbang laban sa technical at non-technical losses upang makabuluhang mapababa ang singil sa kuryente.
Gayunman, nagbabala ang mga lider ng power sector sa posibleng napakalaking epekto ng tuluyang pag-aalis ng system loss charges.
Ayon kay Meralco Chairman Manuel Pangilinan, maaaring umabot sa sampu-sampung bilyong piso ang mawawala sa sektor kung aalisin ang singil. Hindi umano kayang akuin ng industriya nang mag-isa ang gayong kalaking pasanin.
Nagpahayag din ng pangamba ang Philippine Rural Electric Cooperatives Association.
Bagama’t suportado nito ang pag-aalis ng value-added tax sa kuryenteng hindi nagagamit, nagbabala ang grupo na posibleng malugi at magsara ang mga non-profit electric cooperative kung tuluyang ipagbabawal ang paniningil sa system loss.
Mas mabigat umano ang problema sa mga rural area na may mahirap na terrain at mas mataas na pisikal na pagkawala ng kuryente sa distribusyon.
Iminungkahi ng grupo na direktang pondohan ng gobyerno ang naturang losses o ipatupad nang paunti-unti ang reporma, batay sa performance ng mga distributor at may kasamang pondo para sa grid upgrades. /Bistado


