Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

PBA Govs’ Cup finals maaaring idaos sa SM Arena Cebu

Nais ng Philippine Basketball Association (PBA) na dalhin ang Season 50 Governors’ Cup finals series sa bagong bukas na SM Arena Seaside Cebu sa Cebu City, ang itinuturing na pinakamalaking indoor arena sa Visayas.

Nakita mismo ni PBA commissioner Willie Marcial sa inagurasyon noong Hulyo 9 ang kagandahan ng pasilidad na nagkakahalaga ng PHP 7 bilyon.

“Sobrang laki at sobrang ganda,” ani Marcial.

Ang Cebu Arena ay nasa pitong-palapag na gusali, may seating capacity na 16,000 at kayang tumanggap ng hanggang 25,000 katao. Mayroon din itong 30 corporate at VIP suites at malawak na parking area.

Sinabi ni Marcial na maaaring magdaos ng mga laro ang PBA sa Cebu sa lalong madaling panahon, posibleng sa finals ng kasalukuyang Governors’ Cup.

“Balak talaga natin maglaro dun. Tingnan natin kung kakayanin sa finals. Kung hindi naman, pwedeng next season na,” ani Marcial.

Nakasama ni Marcial sa inagurasyon sina SM Prime Holdings executive committee chair Hans Sy, Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) executive director Erika Dy at Philippine Sports Commission (PSC) Chair Patrick Gregorio.

“May malaking dugout and locker area. At may practice court sya,” sabi ni Marcial.

Dagdag nya, ang naturang pasilidad ay malaking bentahe para sa pagdaraos ng mga laro ng PBA at iba pang international tournaments na iho-host ng bansa sa pamamagitan ng SBP at PSC.

Mas malaki ang naturang venue sa kapatid nito na Mall of Asia Arena sa Pasay City na may kapasidad na 15,000.

Ang SM Arena Seaside Cebu ang magsisilbing host ng FIBA Women’s Asia Cup sa Hulyo 2027.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles