UMABOT na sa mahigit P27.29 bilyon ang pautang na inilabas ng Government Service Insurance System (GSIS) sa mahigit 463,600 aktibong kawani ng gobyerno sa ilalim ng Ginhawa Go program.
Layunin ng programa na bigyan ang mga miyembro ng mas mabilis at abot-kayang mapagkukunan ng pera at mailayo sila sa mapanganib at mataas maningil na informal lenders.
Mula Oktubre 2024 hanggang Hulyo 2026, nakapagbigay ang programa ng pautang na P1,000 hanggang P50,000 sa mga kuwalipikadong empleyado ng pamahalaan.
Muling inilunsad ang Ginhawa Go noong Pebrero 2026 bilang kapalit ng naunang Ginhawa Lite initiative.
May anim na porsiyentong taunang interes ang pautang at maaaring bayaran sa loob ng 30 araw hanggang 24 buwan, depende sa napiling payment term.
Maaaring magsumite ng aplikasyon at matanggap ang loan proceeds gamit ang GSIS Touch mobile application. Kasama rin sa programa ang libreng loan protection insurance.
Tumatanggap din ng aplikasyon ang lahat ng sangay ng GSIS sa buong bansa para sa mga miyembrong nangangailangan ng personal na tulong sa pagproseso ng kanilang loan. /Bistado


